’27 Palarong Pambansa gaganapin sa QC

Jun I Legaspi May 31, 2026
40 Views

NAPILI ang Quezon City bilang host ng ika-67 na edisyon ng Palarong Pambansa sa 2027.

Tinanggap ni Mayor Joy Belmonte ang responsibilidad sa pagho-host mula kay Agusan del Sur Gov. Santiago Cane Jr. sa seremonyal na turnover sa closing ceremonies ng 2026 Palarong Pambansa.

“Ang 2027 Palarong Pambansa ay isang makasaysayang pagbabalik para sa ating lungsod.

Huling naging host ang Quezon City noong 1966 kasabay ng pagbubukas ng Amoranto Stadium.

Simula noon, naging tahanan na tayo ng ilan sa pinakamahalagang sandali sa kasaysayan ng sports sa Pilipinas,” pahayag ni Belmonte.

Layunin ng Quezon City na maiparanas sa bawat student-athlete ang isang karanasang pang-kampeon, na karapat-dapat sa pinakamahalagang pambansang paligsahan sa sports at sumasalamin sa kultura ng kahusayan ng lungsod.

Binigyang-diin din ni Belmonte ang papel ng Quezon City bilang gateway city na nag-uugnay sa mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng bansa:

“Ipinagmamalaki natin na lahat ng daan ay patungo at dumaraan sa atin. At dala natin ang ugnayang ito habang buong puso nating binubuksan ang ating tahanan para sa Palarong Pambansa.”

Saksi sa turnover sina Department of Education Secretary Sonny Angara at Undersecretary Malcolm Garma.

Nagsimula na ang paghahanda, at nananawagan ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon City sa lahat ng QCitizens na makiisa sa pagsuporta at pagtanggap sa buong bansa sa Mayo 2027.