TNVS

Nanakit ng 72-anyos na TNVS driver nahuli na

40 Views

NAHULI na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang may-ari ng Mitsubishi Xpander na sinasabing nanakit sa 73-anyos na TNVS driver na nakaalitan nito sa trapiko sa lungsod, noong Huwebes.

Ang road rage incident ay nag-viral matapos i-post sa VISOR Facebook page.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si alyas “Bobby,” 53 anyos, residente ng Barangay San Isidro, Rodriguez (Montalban), Rizal.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga noong Mayo 28 sa kahabaan ng 20th Avenue sa Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon, papaliko na umano sa P. Tuazon Boulevard ang minamanehong TNVS ng biktima nang bigla itong singitan ng isang Mitsubishi Xpander.

Bumaba umano ang driver ng naturang sasakyan at pinagmumura at pinagsalitaan ng masasakit na salita ang TNVS driver hanggang sa mauwi sa komprontasyon.

Naging viral sa social media ang insidente dahilan upang agad na magsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Project 4 Police Station 8.

Sa pamamagitan ng beripikasyon sa rekord ng Land Transportation Office (LTO), natukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek.

Naaresto si “Bobby” sa kanyang bahay sa Montalban, Rizal dakong alas-4:49 ng hapon noong Mayo 29.

Nagsampa na ang pulisya ng kasong Slight Physical Injury at Unjust Vexation laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang mabilis na pagkilos ng mga operatiba at muling hinikayat ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at tiyaking tama ang impormasyong ibinabahagi online.