Calendar

2,954 Balikbayan boxes ipinaubaya ng BOC sa DMW para maipadala sa mga pamilya ng OFW
IPINASA ng Bureau of Customs (BOC) Port of Davao ang 2,954 abandonadong Balikbayan boxes sa Department of Migrant Workers (DMW) upang maipamahagi na ang mga ito sa pamilya ng mga nagpadalang Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ang mga Balikbayan boxes ay naiwan sa BOC matapos na hindi asikasuhin ng freight forwarders na pinagpadalhan ng OFW.
Ang pagpapadala ng mga Balikbayan boxes sa pamilya ng OFWs ay iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matapos bigyan ng pahintulot ng Department of Finance, pormal na idineklara ng BOC na forfeited ang mga kahon at lumagda ng Deed of Donation kasama ang DMW.
Ang DMW na ngayon ang may tungkuling matiyak na makarating sa mga pamilya ng OFW ang mga Balikbayan boxes.
“These boxes are more than just packages — they’re filled with love, hope, and sacrifice,” ani Customs Commissioner Bienvenido Rubio. “We know what these mean to our kababayans. With DMW’s help, we’re making sure they arrive where they belong.”
Binigyang-diin ni District Collector Maita Acevedo, sa pamamagitan ni Deputy Collector Atty. Giovanni Leynes mula sa Port of Davao, ang mas malawak na tungkulin ng ahensya sa mga OFW. “Sa ahensyang ito, hindi lamang tayo tagapangalaga ng kalakalan. Tayo rin ay kaagapay sa paghahatid ng pag-asa lalo na sa ating mga bagong bayani.”
Nagpaabot naman ng pasasalamat si DMW Assistant Secretary for Reintegration Atty. Francis Ron De Guzman sa patuloy na suporta ng BOC. “The Bureau of Customs has always been there — from day one to day zero — helping us deliver this symbol of love and sacrifice,” aniya.
Ang turnover ay resulta ng koordinasyon sa pagitan ng BOC at DMW simula noong 2024. Mula sa pagbibigay ng clearance hanggang sa logistics, ang proseso ay isinagawa nang may pagsasaalang-alang at malasakit.
Nakipagtulungan na ang DMW sa isang logistics provider upang matiyak ang ligtas at agarang paghatid ng mga kahon sa pamilya ng mga OFW.
Ang inisyatibang ito ay sumasalamin sa mahalagang papel ng BOC—isang ahensyang may kahusayan at malasakit, nagbibigay proteksyon sa kalakalan kasabay ng pangangalaga sa mga pangarap ng mga pamilyang Pilipinong nasa ibang bansa.