Cavite

2nd sulong ng Cavite isinabatas na

Dennis Abrina Nov 14, 2024
12 Views

BACOOR CITY, Cavite–Nilagdaan na bilang batas ang Republic Act No. 12073 na isinulong ni Cong. Lani Mercado-Revilla ng ikalawang distrito ng Cavite.

Kilala rin bilang Bacoor Assembly of 1898 Act, idineklara ang Agosto 1 ng bawat taon bilang working holiday upang gunitain ang “Araw ng Paglalathala at Pagtatatag ng Kasarinlan ng Pilipinas.”

“Nailagak na sa kasaysayan ng Pilipinas ang mahalagang papel ng ating mahal na lungsod ng Bacoor,” sabi ni Cong. Lani.

“Noong ako alkalde ng Bacoor, lumitaw ang mga credible resources ukol sa mga naganap sa Bacoor Assembly noong 1898.

Ang dating Punong Ministro Cesar E.A. Virata na ngayon chairman emeritus ng Cavite Historical Society ang unang nagbahagi ng impormasyon sa amin,” sabi pa ni Cong. Lani.

Ayon sa mga dokumento ng kasaysayan, noong Agosto 1, 1898 nilagdaan ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang Act of Independence na isinulat ni Apolinario Mabini.

Nilagdaan din ito ng humigit-kumulang 200 halal na pinuno ng mga bayan mula sa 16 na pinalayang lalawigan at pinagtibay ng Kalihim ng Interyor na si Leandro Ibarra.

Ayon sa mga historians, ang unang deklarasyon noong Hunyo 12, 1898 naglalaman ng salitang “protectorate,” na nangangahulugang ang Pilipinas magiging protectorate ng Estados Unidos.

Dahil dito, ayaw itong lagdaan ni Pangulong Aguinaldo.

“Hindi natin layuning mabawasan ang kahalagahan ng Hunyo 12, ang anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas.

Hangad natin na makilala ang lungsod ng Bacoor bilang bahagi ng isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating kasarinlan,” paliwanag ni Cong. Lani.