DepEd

3.5M estudyante sa Metro, Calabarzon, Mimaropa naapektuhan ng vog

Zaida Delos Reyes Aug 21, 2024
60 Views

MAHIGIT sa 3.5 milyong estudiyante ang naapektuhan na suspensiyon ng face to face classes ng mga eskwelahan sa Metro Manila, Calabarzon at Mimaropa dahil sa volcanic smog na ibinuga ng Taal Volcano.

Batay sa tala ng Department of Education (DepEd), nasa 3,586,353 estudiyante at 112,791 personnel ang naapektuhan sa 2,967 paaralan sa tatlong rehiyon sa bansa.

Karamihan sa mga apektado ay mula sa Calabarzon na inabot ng 2.8 milyon, sinundan ito ng National Capital Region o NCR na umabot naman sa 730,336 at Mimaropa na nasa 5,922 estudiyante.

Kaugnay nito, kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na kalmado na ang bulkan simula kahapon ng umaga.

Ayon kay Phivolcs Volcano Monitoring And Eruption Prediction Division Chief, Mariton Bornas, bagaman may kaunting usok, maaaliwalas ang kalangitan malapit sa bulkan.

“Sa kasalukuyan po, wala naman po tayong namamataang vog mula sa Taal Volcano. Medyo clear po ang skies,” pahayag ni Bornas.

Hindi rin anya kasing lala ang air quality ngayong araw kumpara noong lunes at nakatulong ang pag-ulan para mawala ang vog.