Fish Source: DA FB file photo

3 buwang closed fishing season ng sardinas, mackerel simula na

Cory Martinez Nov 1, 2024
58 Views

NAGSIMULA na noong Biyernes ang tatlong buwang closed fishing season ng sardinas at mackerel sa hilagang silangang karagatan ng Palawan.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng closed fishing season na bigyan ng pagkakataon ang pangingitlog ng mga sardinas at mackerel upang muling dumami.

Ipapatupad din ang closed fishing season sa karagatan ng Visayan Seas and Zamboanga Peninsula simula Nob. 15 na magtatagal din ng tatlong buwan.

Ang mga naturang karagatan ang karaniwang lugar ng pangitlugan ng mga sardinas at mackerel.

Noong Abril, naglabas ng kautusan si Tiu Laurel na pinapayagan ang pag-angkat ng 30,000 metriko tonelada ng pelagic fish species sa huling bahagi ng 2024 dahil maaaring magdulot ng kakulangan ng suplay ng isda ang naturang closed fishing season.

Inaasahang darating sa bansa ang naturang import bago ang Enero 15, 2025 bago magtapos ang closed fishing season.

Subalit, maaari lamang ilabas merkado ang mga inangkat na isda simula Oktubre 1.

Sa ilalim ng naturang kautusan, ilalaan ang 80 porsyento ng import volume sa mga registered importer mula sa commercial fishing sector samantalang ang natitirang volume ibibigay sa mga fisheries association at cooperative.

Ilalaan naman sa mga commercial importer ang maximum import volume na 112 metriko tonelada na may katumbas na apat na container at ilalaan naman sa mga fisheries association at cooperative ang minimum na import volume na 56 metriko tonelada na may katumbas na dalawang container van.

Malalaman ang karagdagang import volume base sa percentage share ng fish landing ng importer sa huling tatlong taon bago ang pag-angkat.