Calendar
3 lady solons: Dr. Leachon sumasawsaw sa isyu

TINAWAG na “epal” ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin si Dr. Tony Leachon dahil “sumasawsaw” sa isyu kaugnay kay Executive Secretary Ralph Recto.
Binatikos ng House Deputy Speaker si Leachon tungkol sa panawagan sa pagbibitiw ni Recto.
Tinawag din ng mambabatas ang atake na “misplaced,” pulitikal na maingay at malayo sa tunay na hamon ng pagbabalanse ng buwis, gastusin sa kalusugan, at tulong para sa mga mahihirap na Pilipino.
Dinepensahan nina Garin, Batangas Rep. Gerville Luistro at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora si Recto laban sa mga alegasyon ni Leachon ukol sa pondo ng PhilHealth, excise tax sa langis at ang pinalawak na value-added tax (EVAT).
Ayon sa tatlong kongresista, ang pampublikong pananalapi ay hindi maaaring idaan sa mga islogan na layon lamang mambuyo sa halip na magpaliwanag.
“Sumawsaw ka na naman. Kung totoong buwis ang adbokasiya mo, then say it straight: tax the rich, subsidize the poor and stop pretending that every complicated fiscal decision can be solved by calling for someone’s resignation,” sabi ni Garin kay Leachon.
Nauna rito, may online post si Leachon na nananawagan sa pagbibitiw ni Recto at binanggit sa post niya ang di-umano’y “pag-defund” sa PhilHealth, ang kabiguan na bawasan ang excise tax sa diesel at gasolina at ang papel ni Recto sa batas ng EVAT bilang mga batayan ng kanyang hiling.
Inilalarawan din sa post ni Leachon si Recto bilang “author of EVAT,” isang bansag na tinanggihan ng mga kakampi ng administrasyon.
Ipinahayag pa ng tatlong lady solons na ito ay isang mapiling pagbasa sa polisiya ng buwis, lalo na at ang mga nalilikom na kita ay ginagamit din para pondohan ang serbisyong panlipunan, mga programa sa kalusugan, imprastraktura at subsidiya para sa mga bulnerableng sektor.
Sinabi naman ni Luistro na hindi patas na isisi kay Recto ang mga kumplikadong desisyon sa polisiya na dumadaan sa Kongreso, sa mga economic managers at sa buong makinarya ng gobyerno.
“Calling for resignation is the easiest line to throw when one does not want to deal with the hard part of governance,” paliwanag ni Luistro.

