Calendar
Chair Ridon: Tuloy na ang ikalawang impeachment ni VP Sara
SINABI ni House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Ralph Wendel Tulfo Ridon na tuloy na ang ikalawang impeachment ni Vice President Sara Z. Duterte sa ilalim ng dalawang magkaibang Kongreso, habang itinutulak ng Kamara ang inaabangang botohan sa plenaryo ngayong Lunes sa kabila ng kanyang pinakahuling mga pahayag sa publiko.
“Malaya ang Bise Presidente na magsalita habang papalapit ang impeachment vote weekend. Pero matutuloy ang botohan sa Lunes, at siya ay maiimpeach sa ikalawang pagkakataon sa ilalim ng dalawang magkaibang Kongreso. Hangad namin ang pinakamabuti para sa kanya,” ani Ridon.
Inilabas ni Ridon ang pahayag bago ang inaasahang aksyon ng plenaryo sa Articles of Impeachment na inendorso ng House Committee on Justice matapos ang ilang linggong pagdinig at deliberasyon sa mga reklamong inihain laban kay Duterte.
Ipinakita ng pahayag ng mambabatas ang lumalakas na kumpiyansa ng mga kaalyado ng Kamara na makakakuha ng sapat na boto ang impeachment complaint sa plenaryo matapos ang matinding pagsuporta ng Justice panel sa committee report.
Nauna nang nakakita ang House Committee on Justice ng probable cause sa mga reklamong impeachment laban kay Duterte matapos ang serye ng clarificatory hearings kung saan sinuri ang mga dokumentaryong ebidensya at testimonya kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa mga verified complaint.
Inaasahang matutukoy sa botohan sa Lunes kung pormal nang ipapadala sa Senado ang Articles of Impeachment para sa paglilitis.

