Ortega

Ortega sa reaksyon ni VP Duterte sa impeachment majority: “Wala na ba kayong bagong fake news? Lumang tugtugin na ’yan.

21 Views

IGINIIT ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union nitong Biyernes na isa lamang lumang taktika ni Vice President Sara Z. Duterte ang pahayag nitong may mga mambabatas na “kumikita” gamit ang kanyang pangalan, sa halip na sagutin ang mabibigat na ebidensyang nakasaad sa Articles of Impeachment na ngayo’y may malawak nang suporta sa Kamara.

“Gasgas at lumang tugtugin na ’yan. Kapag hinihingan ng sagot sa ebidensiya, ang balik agad ay paratang na may kumikita, may pera sa bulsa, may maleta. Sagutin na lang niya ang Articles of Impeachment dahil doon nakasulat ang mga tanong na kailangan niyang harapin,” diin ni Ortega.

Inilabas ni Ortega ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Duterte matapos lumabas ang ulat na mahigit 200 mambabatas ang inaasahang pipirma sa impeachment complaint laban sa kanya.

Ayon kay Duterte: “Madami ang pumipera gamit ang pangalan ko. Sana maambunan ang mga constituents nila ng mga pera sa kanilang bulsa o maleta.”
Ayon sa lider ng Kamara mula La Union, paulit-ulit na umano ang estilo ni Duterte na kwestiyunin ang motibo ng mga kritiko sa halip na sagutin ang mga alegasyon tungkol sa confidential funds, unexplained wealth, umano’y bribery, grave threats, at iba pang usaping inilabas sa impeachment proceedings.

Lumalaki rin umano ang suporta ng publiko para sa personal na pagharap ni Duterte sa impeachment trial sa Senado.

Batay sa survey ng Tangere, 90 porsiyento ng mga respondent ang gustong humarap siya sa Senado habang 82 porsiyento ang nagsabing dapat siyang personal na dumalo sa mga pagdinig at hindi lamang umasa sa kanyang mga abogado.

Ipinakita rin ng survey na lagpas sa political lines ang suporta sa kanyang personal na pagharap: 94 porsiyento mula sa mga kaalyado ng administrasyong Marcos, 92 porsiyento mula sa Liberal

Party supporters, 90 porsiyento mula sa mga walang kinikilingan, at 70 porsiyento kahit sa sarili niyang mga tagasuporta.

“Kung may mahigit 200 mambabatas na handang pumirma at kung malaking mayorya ng publiko ang gustong magkaroon ng paglilitis, hindi na niya puwedeng sabihing intriga lang ito. This is no longer about her press statements. This is about evidence, accountability and the proper constitutional process,” sabi ni Ortega.

Aniya, dapat ipaliwanag ni Duterte ang mga isyung nakasaad sa Article I, na tumatalakay sa umano’y sistematikong maling paggamit, misappropriation, at iregular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds sa Office of the Vice President at Department of Education.

Dapat din umano niyang sagutin ang Article II, na nakatuon sa alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang pagtaas ng kanyang declared net worth mula P7.25 milyon noong 2007 hanggang

P88.51 milyon noong 2024, kahit tinatayang nasa P30 milyon lamang ang kanyang legal na kita. Kabilang din dito ang P6.77 bilyong covered at suspicious transactions na nasa rekord ng Anti-Money Laundering Council na may kaugnayan umano kina Duterte at kanyang asawa.

Noong Lunes, sinabi ni Atty. Peter Paul Danao, tagapagsalita ng kampo ni Atty. Manases Carpio, na nilinaw umano ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na ang naiulat na “P2 bilyon” ay “P2 milyon” lamang, na sinabing dulot ng isang “system glitch.”

Kabilang din sa Articles of Impeachment ang alegasyon ng umano’y cash payments sa mga opisyal ng DepEd at ang umano’y assassination plot, grave threats, at inciting to sedition na may kaugnayan sa mga pampublikong pahayag at kilos ni Duterte.

“Kung tingin niya walang basehan ang impeachment, then the proper answer is evidence, documents and direct explanation. Hindi ’yung bawat tanong sa P612.5 million, SALN, AMLC records, cash envelopes at threats ay sasagutin ng paratang na may kumikita sa pangalan niya,” dagdag ni Ortega.

Ayon pa kay Ortega, lampas na ang publiko sa political spin at nais na ngayong matuloy ang Senate trial upang personal na masagot ni Duterte ang mga alegasyon sa tamang forum.

“Ang gusto ng taumbayan, humarap siya at sumagot. Hindi na uubra ang pa-victim script at diversionary tactics dahil masyadong seryoso ang mga paratang at masyadong malaki ang perang pinag-uusapan,” diin niya.

Tinanggihan din ni Ortega ang paratang ni Duterte na pera ang motibo ng mga mambabatas, at sinabing insulto ito sa mga kongresistang nagsuri ng Articles of Impeachment at tumugon sa panawagan ng publiko para sa pananagutan.

“Mas madaling mang-insulto kaysa magpaliwanag. Pero kung bilyon ang pinag-uusapan, kung public funds ang sangkot at kung mismong taumbayan ang humihiling ng trial, the decent thing to do is face the charges, not smear the people asking the questions,” ani Ortega.