Calendar
3 nakorner sa illegal drag racing sa Commonwealth Ave.
ARESTADO ang tatlong suspek na sangkot umano sa ilegal na karerahan ng mga motorsiklo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City madaling araw ng Pebrero 20.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), rumesponde ang mga operatiba ng Police Station 6 at Police Station 14 bandang alas-3:00 ng umaga makaraang makatanggap ng sumbong mula sa concerned citizen hinggil sa karera ng mga motorsiklo sa nabanggit na kalsada.
Kinilala ang mga nahuli na sina alyas “Joel,” 30; “Christian,” 19, kapwa residente ng Batasan Hills; at alyas “Carmilo,” 30, residente ng Brgy. Payatas.
Nabatid na nagsasagawa ng routine checkpoint ang PS 6 sa Commonwealth Old Balara nang matanggap ang report. Agad silang rumesponde at pagdating sa lugar ay nagtangkang tumakas ang mga sangkot, kung saan ang ilan ay tumakbo patungo sa nakaparadang Toyota HiAce commuter van.
Sa inspeksyon ng pulisya, nadiskubre ang isang Yamaha Mio Sporty sa loob ng van at dalawa pang motorsiklo na nakaparada sa labas. Namataan din umano si alyas “Joel” na kinakalikot ang isang Yamaha Aerox.
Nakipag-ugnayan ang PS 6 sa mga opisyal ng Barangay Holy Spirit at sa PS 14 na agad ding dumating sa lugar.
Nasamsam ng mga awtoridad ang isang Yamaha Mio Sporty (modified), 2016 model; Yamaha Aerox (modified), Honda Click 125, 2023 model at Toyota HiAce Commuter Van, 2022 model.
Binigyan ng Official Violation Receipt (OVR) ang tatlong indibidwal dahil sa ilegal na drag racing, habang ang mga motorsiklo at ang van ay impounded ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) para sa karagdagang imbestigasyon.
Nagbabala ang QCPD na mahigpit na ipinagbabawal at lubhang mapanganib ang drag racing. Ayon kay PBGEN Randy Glenn Silvio, may kaukulang multa at parusa ang mga lalabag sa batas-trapiko, kaya hinikayat ang publiko na iwasan ang ganitong gawain at agad i-report ang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaligtasan sa kalsada.

