Huli

3 sa 6 na nanloob, nanggapos ng magtiyahing Tsino sa Paranaque timbog

Edd Reyes Nov 1, 2024
58 Views

TATLO sa anim na umano’y kawatan ang naaresto ng mga pulis matapos nilang pasukin ang bahay ng mag-tiyahing Chinese national noong Miyerkules sa Paranaque City.

Nakilala ang mga nadakip na sina alyas Brian, 38; alyas John, 33; at alyas Jevic, 29.

Tinutugis pa ang tatlo nilang kasabwat na nakilala sa mga alyas na Ruel, 40; Ramel, 40; at Agustin, 37.

Batay sa ulat, pumasok ang mga kawatan sa parking lot ng bahay na inuukupa ng Chinese na si Yu at pamangkin na si alyas Lin dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Tinutukan ng baril at iginapos ng duct tape ang apat na stay-in na Pinoy pati ang guwardiyang si alyas Julius.

Puwersahang pinabuksan ng mga suspek kay Lin ang vault at tinangay ang P980,000 sa loob pati na ang mga alahas ni Yu na nagkakahalaga ng P400,000.

Binusalan at iginapos muna ng duct tape ng mga suspek ang magtiyahing dayuhan bago mabilis ng tumakas sakay ng kotse patungo sa Gate 1 ng Multinational Village.

Nang makarating sa pulisya ang insidente, nagsanib puwersa ang intelligence at operational team ng Paranaque City Police Station upang matunton ang sasakyan ng mga suspek.

Natukoy nila ang pagkakakilanlan ni alyas Brian matapos inguso ng isang testigo na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Dito na itinuro ni Brian ang kanyang mga kasamahan kaya natiklo pa sina alyas John at Jevic habang nagtatago pa ang tatlo nilang kasama.