Pagsabog Ang mga biktima ng pagsabog mula sa pipeline ng krudo sa loob ng bodega sa Tondo, Manila, habang inoobserbahan ng manggagamot, at ang mga kamag-anak ng mga biktima na naghihintay ng resulta mula sa mga miyembro ng Manila Police District.

3 sugatan matapos sumabog pipeline ng krudo sa Tondo

Jon-jon Reyes Jun 21, 2025
16 Views

TATLO katao ang kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan matapos masabugan ng pipeline ng krudo sa loob ng isang warehouse sa Tondo, Manila, umaga ng Sabado.

Nakilala ang mga naisugod na mga biktima na sina Edzel Eustaque, 24-anyos; Alvin Pagtabunan, 31-anyos; at Arnulfo Meru, 25-anyos, pawang mga naninirahan sa Barangay 20, Isla Puting Bato sa Tondo, at mga construction worker.

Ayon sa report ng mga otoridad, nangyari ang pagsabog bandang alas-9 ng umaga sa loob ng gusali ng Mega Genesis Trading Corporation sa Magsaysay Village, Tondo.

Napag-alaman sa initial investigation na batay sa salaysay ng saksi, nagtatrabaho sila sa Mega Genesis Gasoline warehouse bilang construction workers sa ilalim ng Jet Fuel Construction Corporation para magtayo ng warehouse para sa pag-iimbak ng krudo.

Ngunit hindi nila inaasahang natamaan ang linya ng tubo na kumokonekta sa krudo kung saan nangyari ang pagsabog.

Dahil dito, ang mga biktima na nasa loob ng isang butas ay nagtamo ng sunog at mga sugat sa magkaibang bahagi ng katawan at mukha.

Agad namang dinala ang mga biktima sa Tondo Medical Hospital para sa agarang atensyong medikal at kasalukuyang inoobserbahan ng doktor.

Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis upang alamin ang dahilan ng pagsabog at ang posibleng paglabag sa safety protocols.