Calendar
Ang pinangyarihan ng insidente. BERNARD GALANG
3 sugatan sa pamamaril; suspek swak sa rehas

May kasamang ulat ni ALFRED DALIZON
ISANG suspek sa pamamaril ng tatlong biktima sa Baliwag, Bulacan ang nadakip ng mga pulis noong Sabado, ayon kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brigadier General Ponce Rogelio I. Peñones Jr.
Hinabol ng mga tauhan Baliwag City police at Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company ang akusado matapos ang pamamaril sa Brgy. Tibag.
Lumabas sa imbestigasyon na nagiinuman ang biktima at suspek nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo. Dahil dito, bumunot ng baril ang suspek at nagpapaputok na ikinasugat ng tatlong katao.
Tumakas ang suspek matapos ang pamamaril sakay ng motorsiklo patungo sa Tibag-Sabang area kung saan siya natunton ng mga pulis.
Nakumpiska sa suspek ang baril na kanyang ginamit sa pamamaril at ang kanyang getaway motorcycle.
“Ang agarang pagkilos ng ating mga tauhan ay patunay ng kanilang dedikasyon na maghatid ng proteksyon, hustisya at kapanatagan sa ating mga komunidad,” ayon kay Brig. Gen. Peñones.
Nakapiit na ang akusado sa Baliuag police jail at mahaharap sa mga kasong frustrated murder at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013.

