Suspek

3 Tsino nireklamo ng panunutok ng baril sa sekyu, swak sa selda

Edd Reyes Dec 2, 2024
38 Views

HIMAS-rehas ang tatlong Chinese national nang ireklamo ng panunutok ng baril sa personal driver sa condominium noong Linggo sa Parañaque City.

Naaresto ang mga suspek na sina alyas Mao, 41; alyas Wee, 37; at alyas Hao, 32, dahil sa panunutok ng baril kay alyas Dave.

Ayon sa mga pulis ng Sto. Niño Police Sub-Station, naganap ang insidente dakong alas-7:10 ng gabi.

Nang magtungo sa naturang condominium sa Brgy. Don Galo ang mga pulis, ginabayan sila ng mga security personnel patungo sa unit na inookupa ng isang alyas Ben, ang employer ng biktima.

Kaagad na namagitan ang mga pulis at dito na isinumbong ni Dave ang ginawang pananakot at panunutok sa kanya ng baril ng tatlong Chinese.

Nang kapkapan, nakuha kay Mao ang hindi lisensyadong kalibre .9mm Pietro Beretta pistol na may walong bala.

Ipinabatid ng arresting officer sa mga dayuhan ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas sa pamamagitan ng isang interpreter bago inaresto.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Grave Threats ang isasampa ng pulisya sa mga dayuhan sa Parañaque City Prosecutor’s Office.