3 ‘tulak’ laglag sa P20M shabu sa Bacoor buy-bust

Gil Aman Jun 29, 2025
351 Views

CAMP VICENTE LIM, Canlubang, Laguna–Mahigit tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P20.4 milyon at dalawang baril ang nakumpiska sa tatlong pinaghihinalaang tulak sa buy-bust ng Bacoor City police noong Linggo sa Brgy. Zapote 3, Bacoor City, Cavite.

Sa ulat ng Bacoor City police kay Police Regional Office (PRO)-4A chief P/BGen. Jack L. Wanky, pinangalanan ang tatlong nahuli na sina alyas Dave, Cho at Sha na naaresto dakong alas-4:00 ng umaga sa patnubay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents.

Nabawi ng mga pulis ang 3 kilo ng shabu na tinatayang may standard price na P20,400.000.

Nakumpiska rin ang boodle money na ginamit sa buy bust, orange bag na may Chinese character, 1 black bag, Ford Explorer (NCO 1861), Honda Civic (WEW 402), .45 caliber pistol na may 3 bala at cal .38 revolver na may 2 bala.

Nabawi rin sa mga suspek ang isang ID na may pangalang Byeongjun Cho at isang cellphone, ayon sa report.