Calendar
30k murang pabahay itatayo sa Cebu
MAGTATAYO ang Marcos administration ng 30,000 murang pabahay sa Cebu, bilang bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH).
Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maabot ang target na ito sa tulong ng Department of Human Settlements and Urban Development (DSHUD) at paglulungsad ng Cebu City South Coastal Urban Development Housing Project.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na malaking hamon ang plano na magtayo ng 1 milyong bahay kada taon sa ilalim ng kanyang termino.
“Sa tulong ng mga masisipag na kawani ng DHSUD, na pinangungunahan ni Secretary Jerry Acuzar, naniniwala akong kayang-kaya natin itong makamit sa ilalim ng aking panunungkulan,” ani Pangulong Marcos.
“Kaya naman hinahamon ko ang DHSUD na manatili kayong matatag upang matupad ang ating pangakong mura at maayos na pabahay para sa mga kababayan nating nangangailangan,” sabi pa ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang programa ng gobyerno ay isang magandang halimbawa ng whole-of-government approach na makatutulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino.
“Kagaya nito, hindi magiging matagumpay ang programang ito kund hindi tayo nag-uugnayan at nagsasamahan at nagsasanib puwersa ng national at saka ng mga local government,” dagdag pa ni Pangulo.
“Kaya’t ang lahat ng departamento na kailangan na makilahok doon sa lahat ng program, hindi lamang ang housing, hindi lamang ang mga LGU, kung hindi lahat. Kasama natin dyan ang House of Representatives, kasama natin ang mga senador, kasama natin siyempre ang ating private sector na tumutulong sa atin,” sabi pa ng Pangulo.
Ayon naman kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez maglalaan ang Kongreso ng sapat na pondo para sa programa ng pabahay.
Ang housing project sa Alumnos, Basak San Nicolas, Cebu City ay ipatutupad sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Sa paunang plano ay magtatayo ng 10 tig-20-story na gusali sa 25-hektaryang development site. Aabot umano sa 8,000 informal settlers at low-income families ang makikinabang dito.
Ang kabuuang South Coastal Urban Development Project ay mayroong tatlong phase.