Calendar
31 nasawi sa nasunog na barko—PCG
UMABOT umano sa 31 ang bilang ng mga nasawi sa nasunog na barko sa Basilan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Marami umano sa mga nasawi ay nalunod matapos na tumalon mula sa MV Lady Mary Joy 3 dahil sa takot.
Nakaligtas naman sa sunog ang 230 pasahero at crew ng barko. Sa mga ito siyam ang nasugatan.
Patungo ng MV Lady Mary Joy 3 sa Jolo, Sulu at nanggaling sa Zamboanga City ng maganap ang sunog alas-10:40 ng gabi. Idineklarang fire out ang sunog alas-7:30 ng umaga.
Samantala, nagpaabot naman ng tulong si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa mga pasahero.
“We express our deepest condolences to the families and loved ones of the passengers that perished during a fire that hit a passenger vessel off the waters of Basilan,” sabi ni Hataman.
Ayon kay Hataman nasa 68 pasahero ang nabigyan na ng tig-P3,000 tulong bukod pa sa tig-P2,000 bigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima.
“Nakikipag-usap din kami sa mga otoridad at mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang siyasatin kung ano ang pwede nating gawin para maiwasan ang ganitong klaseng aksidente,” sabi ni Hataman.