Calendar
32% ng mga kababaihan na lulong sa online gambling tutukan
SA pagbubukas ng 20th Congress, hihilingin ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa Komiteng mag-iimbestiga sa online gambling ang masusing pagbusisi nito sa ilang kaso ng mga kababaihan o hous wives na nauubos umano ang kanilang kabuhayan dahil sa kasusugal.
Sa panayam ng programang Dos Por Dos nina Anthony Taberna at Gerry Baja sa DZRH, sinabi ni Oducado na ikinababahala nito ang nakalap nilang data kung saan ang mga kababaihang nasa bahay lamang ang kadalasang nalululong sa online gambling.
Nabatid kay Oducado na 32% ng mga kababaihan ang gumagastos ng P1,000 kada linggo sa online gambling kung saan ang karamihan dito ay yung mga nasa loob lamang ng tahanan.
“Nakita po kasi namin especially yung mga nasa loob lamang ng bahay sila yung may pinaka-malaking investment sa online gambling. And alarmingly 32% ng women ang gumagastos ng minimum of P1,000 per week sa online gambling,” ani Oducado.
Ang naging panayam kay Oducado ay patungkol sa inihain nitong House Resolution No. 42 sa Kamara de Representantes kamakailan para hilingin ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa lumalaganap na problema ng online gambling.
Muling binigyang diin ng bagitong kongresista sa programa na napakahalagang matutukan sa ikakasang pagsisiyasat ang teribleng epektong idinudulot ng pagkalulong ng ilang indibiduwal sa online gambling kasama na ang mga kabataan at menor-de-edad.
Sinabi din ni Oducado na 60% ng mga nasasangkot o nalululong sa online gambling ay mga “low-income earners” na kumikita lamang ng P15,000 pababa. Kung saan, pati ang mga tricycle drivers na sa halip na magtrabaho ay nauubos ang pera sa kasusugal.
“Tapos nakita namin na 60% of people involved in online gambling is yung mga low-income earners thats around P15,000 and below. And nakita natin na sa every day lives pati yung mga tricycle drivers na imbis na mag-trabaho eh’ naka-online gambling,” wika ni Oducado.
Nang tanungin naman si Oducado kung ang mga nalululong sa online gambling ay posibleng mga “ayuda recipients”. Ipinahayag ng neophyte Party List solon na sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na impormasyon tungkol sa isyung ito.
Gayunman, sabi ni Oducado na hindi malayo o imposible na may mga recipients ng ayuda ang naloloko sa online gambling kung saan dito nauubos ang natatanggap nilang ayuda mula sa gobyerno.
“Baka po may mga recipients ng ayuda ang involve sa online gambling pero we don’t have the data on that pero most likely eh’ may mga ganoon po kaya ito ay dapat pong silipin ng Kamara,” sabi pa nito.

