Calendar
SWS survey bindikasyon ng paghain ng Kamara ng impeachment vs VP Sara
NANINIWALA si Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong na ang resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing dapat sagutin ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya ay bindikasyon ng ginawang paghahain ng Kamara de Representantes ng impeachment case laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Adiong, malinaw sa resulta ng survey na gusto ng taumbayan — kasama na ang mga taga-Mindanao na kilalang balwarte ng mga Duterte, na dapat papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang ginagawa.
Batay sa survey ng SWS na kinomisyon ng Stratbase, 66 porsyento ng mga Pilipino sa buong bansa ang sang-ayon na dapat harapin ni VP Sara Duterte ang mga paratang laban sa kanya sa pamamagitan ng impeachment. Labing siyam na porsyento ang hindi sang-ayon, habang 15 porsyento ang hindi sigurado sa kanilang sagot.
Kapansin-pansin din na sa Mindanao, na itinuturing na balwarte ni Duterte ay 55 porsyento ng mga respondent ay pabor na sagutin ng Bise Presidente ang mga akusasyon sa pamamagitan ng impeachment trial.
“It’s a direct expression of what the 19th Congress did and what we continuously do — holding each official, the Vice President in this particular matter, accountable to her actions,” pahayag ni Adiong sa isang press conference.
“It is a vindication from the public that there’s really a clamor ng ating taong bayan na dapat ‘yung public clamor for accountability, na mga issue na hindi nasagot, ay dapat masagot sa tamang paraan, which in this case is the impeachment trial,” dagdag pa ng mambabatas.
Bilang isa sa mga kongresistang lumagda sa impeachment complaint laban kay VP Duterte, sinabi ni Adiong na pinapakita ng survey na ang ginawa ng Kamara ay hindi dahil sa pulitika kundi bilang pagsunod sa Konstitusyon at para sa kapakanan ng taumbayan.
“Nagpapatunay po ito na we are on the right track. What we did was actually to serve not any particular political agenda but for the interest of the nation, and the people understood that message,” ani Adiong.
“Kaya ‘yung survey na mataas, na sinasabing kailangang maumpisahan ang impeachment trial, ay vindication po iyan. Unang-una sa ginawa po natin para panagutin kung sino man ‘yung dapat managot, without fear or favor,” dagdag niya.
Nagpasalamat din si Adiong sa resulta ng survey, lalo na’t isa siya sa mga unang sumuporta sa impeachment complaint.
“We’re happy, personally as one of those who supported the impeachment complaint, affixed my signature. I feel that I’m vindicated, and I feel that the people are with us in holding public officials accountable to their actions,” ayon sa kongresista.
Nang tanungin kung may epekto ba ang panawagan ng publiko sa magiging desisyon ng Senado, iginiit ni Adiong na ang tunay na mensahe ng survey ay ang panawagan sa mga lider na sumunod sa Saligang Batas.
“I think the message that the public wants to send to us as public officials is to be more attuned and compliant with what the Constitution says. And the Constitution says that those impeachable officers, if they are facing serious violations that stand among the betrayal of public trust, then impeachment trial, as demanded by the Constitution, should proceed,” giit ni Adiong.
Noong Pebrero, inaprubahan ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay VP Duterte matapos makitang may sapat na batayan ang mga alegasyong may kaugnayan sa diumano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds. Sa halagang ito, P125 milyon ang umano’y ginastos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Inaasahan na muling magbubukas ang Senado bilang impeachment court at posibleng simulan ang paglilitis sa Agosto 4.

