Pimentel CA Assistant Minority Leader at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel,

360 itinalaga ni PBBM haharap sa kumpirmasyon

34 Views

NAGHAHANDA ang Commission on Appointments (CA) para sa masikip na iskedyul habang muling nagsisimula ang sesyon ng Kongreso sa Lunes, Hunyo 2, matapos ang apat na buwang recess.

Ayon kay CA Assistant Minority Leader at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, limang magkakahiwalay na komite ng CA ang magpupulong sa Hunyo 3 at 4 upang simulan ang pagtalakay sa kwalipikasyon ng mga pangunahing itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Nakatakda tayong talakayin ang kumpirmasyon ng 360 mga appointee at nominee sa mga darating na araw,” pahayag ni Pimentel. “Ang pagkakaintindi namin ay nais ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na maproseso ang lahat ng nakabinbing appointment bago mag-adjourn ang Kongreso sa Hunyo 13.”

Ang ika-19 na Kongreso ay inaasahang mag-aadjourn sa Hunyo 13. Ang mga appointee na hindi makukumpirma bago nito ay kinakailangang muling italaga ng Pangulo at dumaan muli sa panibagong vetting process sa muling binuong CA ng ika-20 Kongreso.

Kabilang sa mga sasalang sa kumpirmasyon sa Martes, Hunyo 3 ay sina Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon II, Information and Communications Technology Secretary Henry Rhoel Aguda, at Presidential Communications Office Secretary Jaybee Carbonel.

Magpapatuloy ang mga kumpirmasyon sa Miyerkules, Hunyo 4, para sa mga Commissioner ng Commission on Elections (Comelec) na sina Noli Pipo at Maria Norina Tangaro-Casingal, Civil Service Commission (CSC) Commissioner Luis Meinrado Pañgulayan, at Commission on Audit (COA) Commissioner Douglas Michael Mallillin.

Samantala, kabuuang 294 mataas na opisyal ng militar ang sasailalim sa vetting sa iba’t ibang pagdinig na nakatakda sa Hunyo 4, 10, at 11.

Mayroon ding 58 senior foreign service officers na sasailalim sa kumpirmasyon sa Hunyo 11.

Upang mapadali ang proseso, nakaiskedyul ang mga caucus at plenary session ng CA sa Hunyo 3, 4, 10, at 11, ayon kay Pimentel.

Ang 25-kasaping Commission on Appointments ay itinatag sa Saligang Batas upang kumpirmahin o tanggihan ang mga pangunahing presidential appointee batay sa merito at integridad. Binubuo ito ng 12 senador, 12 miyembro ng Mababang Kapulungan, at ang Senate President bilang ex-officio presiding officer.