BI

39 iligal na Tsino buking ng BI na nagtatrabaho sa BGC telco

Jun I Legaspi Jun 2, 2025
34 Views

BILANG tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon, inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang 39 na dayuhan na nagtatrabaho sa isang telecommunications company sa Bonifacio Global City (BGC) noong Mayo 29.

Ang mga dayuhan–na pawang mga Tsino–natuklasang nagtatrabaho ng labag sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas.

Batay sa paunang ulat, nabigong ipakita ng mga inaresto ang wastong dokumento sa paglalakbay kaya itinuturing silang mga undocumented aliens ayon sa batas ng Pilipinas.

Lumitaw din sa beripikasyon na bagama’t may hawak silang mga working visa, inisyu ito sa ilalim ng petisyon mula sa ibang kompanya—isang paglabag sa mga kundisyon ng kanilang pananatili sa bansa.

“Ang mga dayuhang nais magtrabaho sa Pilipinas dapat sumunod sa ating mga batas at proseso.

Ang mga pumapasok nang may maling impormasyon o lumilipat ng employer ng walang tamang pahintulot mahaharap sa buong puwersa ng batas,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Isinagawa ang pagsalakay matapos ang ilang linggong pagmamanman at pangangalap ng intelihensiya, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Bahagi ito ng mas malawak na kampanya upang sugpuin ang ilegal na mga dayuhang manggagawa sa kalakhang Maynila.

Dumaan sa karaniwang proseso ng booking ang mga inaresto at inilipat na sila sa pasilidad ng BI sa Bicutan habang hinihintay ang paglilitis para sa kanilang deportasyon.