Martin1

3K magsasaka sa Zambales, nakatanggap ng tulong-pinansyal sa FARM program

Mar Rodriguez Jan 27, 2024
147 Views

Martin2TATLONG libong magsasaka sa Zambales ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) ng administrasyong Marcos.

Ang FARM ay isang bagong programa na layuning tulungan ang mga magsasaka na maparami ang kanilang aning palay upang madagdagan ang buffer stock ng bigas sa bansa.

Ang programa ay isa sa mga inisyatibo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso katuwang ang National Food Authority (NFA), Department of Agriculture (DA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ito ay bahagi ng dedikasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na maiangat ang kabuhayan ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.

“Bahagi pa rin ito ng direktiba ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang ating mga rice farmers na nagkukulang sa panggastos sa pamilya at sa kanilang sinasaka. This also helps the Marcos administration’s efforts to enhance our food security,” ani Speaker Romualdez.

“We will give our farmers cash aid for now, and we will encourage them to sell at least 100 kilos of their produce of rice to the NFA to boost our buffer stock. This way, natutulungan na natin ang mga kababayan nating magsasaka at nakakatulong naman sila sa food security ng ating bansa,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara na binubuo ng higit sa 300-kinatawan.

Kasabay ng paglulunsad ng programa, ang pagbubukas ng dalawang-araw na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Zambales noong Sabado, na ang layunin ay suportahan ang hangarin ng NFA na maparami ang buffer stock ng palay sa bansa. Ang programa ay idinisenyo para mapanatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa, at matulungan ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang distrito sa buong Pilipinas.

Ang mga benepisyaryong magsasaka ng FARM program ay tinukoy ng DA mula sa nasasakupang distrito ni Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” E. Maniquiz na tatanggap ng tig-P2,000 ang kabuuang 3,000 magsasaka sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD.

Nais ding tugunan ng programa ang mandato ng NFA na tiyaking laging may sapat na nakaimbak na palay.

Sa kasalukuyan ay binibili ng NFA sa halagang P23 kada kilo ng palay upang mahikayat ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani sa pamahalaan sa halip na pribadong sektor.

Hinihikayat din ang mga benepisyaryong magsasaka na magbenta ng hindi bababa sa 100-kilo ng palay sa NFA.

“Following the approach used in our CARD and the ISIP for Youth programs, we will visit every legislative district of the House of Representatives, in line with President Marcos’ directive, to ensure equitable distribution of government aid throughout the countryside,” ayon pa kay Romualdez.