Calendar
4-day workweek sa MMDA simula na sa Marso 9
PANSAMANTALANG magpapatupad ng 4-day workweek ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) simula sa Lunes bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sanhi ng gyera sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na lahat ng mga kawani sa punong tanggapan ng MMDA sa Pasig City ay magsisimulang pumasok ng alas-7:00 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Kasama sa working hours ang lunch at snack breaks upang makumpleto ang 40-hour workweek na base sa panuntunan ng Civil Service Commission.
Inaatasan din ang mga opisyal at kawani na panatilihin lamang sa 24°C, ang thermostat ng mga air conditioners at ang pagpapatay ng ilaw at iba pang gamit na kumukunsumo ng kuryente kapag lunch breaks.
Hindi kasama sa 4-day workweek implementation ang gumaganap sa mga mahahalagang tungkulin sa labas ng kanilang punong tanggapan na tumutugon sa emergency.
Pansamantala ring suspendido ang shuttle services sa malayong lugar, kabilang ang PITX, Lawton, Santa Lucia, MCU Monumento, at Fairview bagama’t may limitadong ruta ang shuttle service mula sa punong tanggapan ng ahensiya sa C5 sa Pasig City patungong SM Megamall sa EDSA.

