Fuel

Senador sa publiko: Gasolinahan na magtataas ng presyo ng petrolyo isumbong

200 Views

HINIMOK ng ilang senador ang mga tao na i-report ang mga gasolinahang maagang nagtataas ng presyo ng gas, krudo at kerosene habang naghahanda ang mga mamamayan sa matindig oil price hike ngayong linggo dahil sa giyera sa Middle East.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na maaaring isumbong ang mga pasaway na gasolinahan sa Philippine National Police (PNP) o sa mga lokal na pamahalaan.

Binanggit ni Lacson na ang maagang pagtaas ng presyo o pagtatago ng suplay ay paglabag sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 at Consumer Act of the Philippines.

“Amid reports that some gasoline stations have already increased prices, they must be reported to authorities,” wika ni Lacson.

Idinagdag ni Lacson na naglabas na ng direktiba si Department of Energy Secretary Sharon Garin sa mga lokal na awtoridad.

“You can report violations to the PNP or LGUs,” sinabi ng kalihim.

Nagbabala rin si Sen. Sherwin Gatchalian, vice chair ng Senate Committee on Energy, laban sa posibleng profiteering.

Binigyang-diin ni Gatchalian na may imbentaryong tumatagal ng 50 araw ang mga kompanya ng langis kaya hindi dapat agad-agad magtaas ng presyo.

“I won’t take ‘no’ for an answer kasi inaabuso ang mga consumers. Kaka-announce pa lang ng price increase sa world market pero ang ilang retailers ay nagtataas na agad ng presyo.

This is profiteering. Hindi sila pwedeng magtaas agad dahil ang hawak nilang stocks ay nabili sa mas mababang presyo. They should sell at a reasonable price,” sabi pa ni Gatchalian.

Inaasahang magpapatupad ng panibagong taas-presyo sa gasolina sa Lunes kung saan maaaring tumaas ng P24.92 ang kada litro ng kerosene, P19.62 sa diesel at P10.43 sa gasolina.