MIAA

4-day workweek sisimulan sa MIAA

Jun I Legaspi Mar 12, 2026
118 Views

IPAPATUPAD ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang 4-day work week para sa mga kawani sa administration building bilang bahagi ng pagtitipid ng pamahalaan at pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Iniatas na ni MIAA General Manager Eric Ines na ang lahat ng organic personnel—kabilang ang mga contract of service (COS) at job orders—ay susunod sa bagong iskedyul ng trabaho.

Ayon sa bagong work setup, ang mga empleyado ay magtatrabaho onsite mula Lunes hanggang Huwebes ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi habang Biyernes hanggang Linggo ay magiging pahinga.

Layunin nitong mabawasan ang konsumo ng kuryente at iba pang gastusin nang hindi naaapektuhan ang produktibidad.

Ang mga yunit na may kritikal na tungkulin ay mananatiling naka-shifting schedule gaya ng Airport Police Department, Operations and Compliance Group, Engineering Services at Medical Services.

Sa ilalim ng MIAA Memorandum Circular No. 14-C, s. 2022, ipinatupad na ang paggamit ng LED bulbs, inverter-type air-conditioning units, regular na paglilinis ng air filters at programmable thermostats na nakatakda sa 24°C.

Hinihikayat din ang paggamit ng natural lighting sa pamamagitan ng pag-aayos ng workspaces malapit sa mga bintana upang hindi na kailanganin ang ilaw sa araw.

Kabilang sa mga plano ang integrasyon ng renewable energy sources sa mga proyekto ng imprastruktura. Kamakailan, naglagay ng solar panels sa isa sa mga gusali malapit sa Our Lady of the Airways Parish.

“Henceforth, we shall pursue this direction. The long-term benefits of using solar panels in alleviating climate change far outweigh the significant investment that will be required initially,” sabi ni Ines.