Castro

Palasyo nagbabala vs fake news tungkol sa OFWs sa ME

267 Views

NAGBABALA ang Malacañang Palace laban sa pagkalat ng maling impormasyon kaugnay sa sitwasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gitna ng umiinit na tensyon sa Middle East.

Ayon sa Palasyo, patuloy na kumikilos ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa naturang rehiyon.

Sa press briefing, iginiit ni Claire Castro na hindi totoo ang kumakalat sa social media na walang ginagawa ang pamahalaan.

“Huwag po kayong maniniwala sa fake news na walang ginagawa ang gobyerno. Ang mga maniniwala, malamang, kaya hindi nila nakikita ang trabaho ng Pangulo ay madalas wala sila sa Pilipinas. Unang putok sa Middle East ang ating pagkakaalam wala rito ang Bise Presidente nasa ibang bansa,” ani Castro.

Paliwanag pa ng opisyal, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng gobyerno sa iba’t ibang ahensya upang mabantayan ang sitwasyon at matulungan ang mga OFW na posibleng maapektuhan ng kaguluhan sa rehiyon.

Ang pahayag ng Palasyo ay tugon sa naging komento ni Sara Duterte, na nagtanong kung handa ang pamahalaan sa posibleng paglala ng tensyon sa Middle East.

Sinabi ni Castro na dapat linawin ng Bise Presidente kung saan nanggaling ang pahayag na dapat ay naghanda na ang gobyerno noon pang 2022.

Aniya, kung may impormasyon tungkol sa banta ng internasyonal na sigalot noong panahong iyon, nararapat sana itong naiparating agad sa Pangulo at sa mga kinauukulang ahensya.

Dagdag pa ng Palasyo, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Middle East habang nakahanda ang mga programang tulong at contingency measures para sa mga Pilipinong nasa rehiyon.