Calendar
Speaker Dy hinikayat LGUs na gamitin modernong teknolohiya sa paghahatid ng serbisyo publiko
HINIHIKAYAT ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pinuno ng local government na gamitin ang makabagong teknolohiya at “digital tools” para mas mapahusay nila ang paghahatid ng serbisyo publiko sa kanilang lugar.
Sinabi ng House Speaker na malaki ang maitutulong ng modern technology para mapabuti ng mga local leaders ang paghahatid nila ng serbisyo sa mga mamamayan at mapalakas ang komunidad sa kani-kanilang nasasakupan.
Humarap si Speaker Dy sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) kung saan hinikayat nito ang mga lokal na opisyal na suportahan ang pagsusulong ng administrasyon para sa isang digital governance sa ilalim ng vision na Bagong Pilipinas.
“Kasabay nito, mahalaga rin po na suportahan natin ang ating Pangulo sa kaniyang pangarap para sa Bagong Pilipinas,” sabi ni Dy.
Binanggit ni Dy ang eGov PH application bilang isang pangunahing halimbawa kung papaano binabago ng digitalization ang pag-access sa mga serbisyo ng gobyerno.
“Halimbawa po nito ang EGov PH app na ngayon ay mayroong nang mahigit apat-na-pung milyong users. Sa pamamagitan nito, mas mabilis nang naaabot ng ating mga kababayan ang serbisyo ng pamahalaan mula sa pagkuha ng mga business permit hanggang sa iba’t-ibang government transactions,” dagdag pa ng House Speaker.
Hinimok din ng Speaker ang mga Local Government Units (LGUs) na mas makipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang palawakin ang mga digital na serbisyo sa municipal level.
“Kaya hinihikayat ko rin po ang ating mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa DICT nang mas maigting para maging high-tech ang kanilang pamamahala,” ayon sa Speaker.
Ipinaliwanag pa ng House leader na ang mga modernong teknolohiya katulad ng geo-mapping ay maaari din magpahusay sa paghahanda at pagpa-plano sa sakuna sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga lugar na madaling maapektuhan ng landslide, pagbaha at lindol.
“For example, we can utilize modern technology to make our communities safer. Sa pamamagitan ng geo-mapping, maaari nating matukoy ang mga lugar na madalas tinatamaan ng landslides at pagbaha. This also can guide local government in issuing permits for development projects so we can avoid tragedies and better protect the lives and livelihoods of our people,” pagtatapos ni Dy.

