Calendar
Isinara ang Baguio-Itogon Road sa Barangay Poblacion, Itogon, Benguet dahil sa pagguho ng lupa noong Linggo ng umaga (Setyembre 7, 2025).
Larawan mula sa DPWH
4 kalsada sa Cordillera, Cagayan rehiyon, nananatiling sarado
INIULAT ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong Linggo na apat na pambansang lansangan sa Hilagang Luzon ang nananatiling hindi madaanan dahil sa pinagsamang epekto ng habagat at isang low-pressure area.
Ayon sa ulat ng DPWH Bureau of Maintenance, hanggang alas-10 ng umaga ng Linggo, ang mga sumusunod na kalsada ay sarado pa rin:
Baguio-Itogon Road, K0263+200, Sitio Goldfield, Brgy. Poblacion, Itogon, Benguet – sarado dahil sa pagguho ng lupa;
Balbalan-Pinukpuk Road, K0522+800-K0522+820, Pinukpuk Junction, Pinukpuk, Kalinga – sarado dahil sa pagguho ng lupa;
Lubuagan-Batong Buhay-Abra Boundary Road, K0476+250, Balatoc, Pasil, Kalinga – sarado dahil sa pagguho ng lupa at bato;
Cabagan-Sta. Maria Road, Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge, K0451+462 – K0451+942, Brgy. Casibarag Norte, Cabagan, Isabela at Maozzozzin, Sta. Maria, Isabela – sarado dahil sa mataas na lebel ng tubig.
Samantala, iniulat naman ng BOM na muling nabuksan sa mga motorista ang Cagayan-Apayao Road, partikular sa Itawes Overflow Bridge 1 sa Sta. Barbara, Piat, Cagayan.
Gayundin, may dalawang pambansang kalsada na bukas ngunit para lamang sa magaan na sasakyan:
Kennon Road, K0223+020, Sitio Camp 2, Brgy. Twin Peaks at sa bahagi ng Rockshed approach, Camp 6, Tuba, Benguet – dahil sa pagguho ng lupa, nasirang slope protection, at pagguho ng kalsada;
Luyang-Poo-Lazi Road (Tertiary Road), K0018+250 – K0018+300, Cangomantong, Lazi, Siquijor – dahil sa pagguho ng kalsada. Philippine News Agency

