Antipolo

4 kelot sa Antipolo bagsak sa ‘hawala’ dahil sa illegal na tupada

14 Views

Antipolo1LUNGSOD ng Antipolo–Apat na lalaki noong Linggo ang bumagsak sa kamay ng batas matapos silang naaktuhang nagsasagawa ng ilegal na tupada sa Sitio Palos Tangke, Brgy. Dela Paz ng lungsod na ito.

Pasado alas-1:20 ng hapon nang salakayin ng mga operatiba ng Intel mula sa Antipolo Component City Police Station (ACCPS) ang nasabing lugar habang nagpapatrolya laban sa kriminalidad.

Agad na dinakip ng mga pulis ang mga suspek na sabungero na sina alyas Richard, 48; Argie, 23; Gabriel, 58, drayber ng jeep; at Francisco, 42—pawang mga residente rin sa naturang lugar.

Nakuha mula sa operasyon ang aabot sa P1,650.00 na perang pampusta sa iba’t ibang denominasyon, dalawang panabong na manok, at dalawang pares ng tari na ginagamit sa laro.

Mariing ipinaalam ng mga awtoridad sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanilang nauunawaan bago sila dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang Illegal Gambling ang apat na suspek sa piskalya.