Bagets

4 na menor de edad nasa kustodiya ng QCPD dahil sa QC riot ‘shooting’

167 Views

NASA kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na menor de edad matapos isa sa kanila ang walang habas na nagpaputok ng baril sa ‘riot’ na naganap sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) acting director P/Col. Randy Glenn Silvio, alas- 11:40 ng gabi noong Sabado (November 1), nang makatanggap ng tawag ang Holy Spirit Police Station (PS 14) na pinamumunuan ni P/Lt. Col Jefrey Gamboa, na tila nagra-riot ang mga kabataan at isa dito ang walang habas na nagpapaputok ng baril sa Brgy. Espiritu Santo, Quezon City.

Agad namang nagresponde ang mga pulis ngunit nang mapansin sila ay tumakas ang mga menor de edad sa magkakaibang direksyon.

Sa pamamagitan ng koordinasyon sa Barangay Holy Spirit at pagsusuri sa CCTV footage, nakumpirma ng mga awtoridad na isa sa mga menor de edad ang nakitang nagpaputok ng baril.

Sa ikinasang hot pursuit operation naaresto ang apat na Children in Conflict with the Law (CICL).

Kusa namang isinuko ng isang CICL ang isang checkered sling bag na naglalaman ng Caliber .45 pistol, magazine na may anim na live ammunition, at isang fired cartridge case ng parehong kalibre, na ginamit niya sa pamamaril.

Kakasuhan ang mga naarestong menor de edad ng Alarm and Scandal sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code, habang isa sa kanila ay mahaharap din sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).