Holdap

4 na nagnenok ng Rolex sa QC holdup dinampot

165 Views

Holdap1Holdap2APAT na suspek ang naaresto ng Quezon City Police District sa isinagawang hot pursuit operation kaugnay ng panghoholdap sa isang watch seller kung saan natangay ang isang Rolex at iba pang alahas sa Brgy. Mariana noong Abril 7.

Ayon sa pulisya, nakipagkita ang biktima sa isang lalaking nagpakilalang “Ron” sa isang bar sa Pasig City bago sundan ng mga suspek ang kanyang sasakyan.

Pagsapit sa Doña Hemady Street, binangga ang sasakyan ng biktima at tinutukan siya ng baril ng apat na armadong lalaki. Tinangay ng mga ito ang mga mamahaling Rolex at alahas bago tumakas patungong E. Rodriguez Sr. Avenue.

Sa pamamagitan ng CCTV tracking, natukoy ang mga suspek at nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na nagresulta sa pagkakaaresto kay alias “Xian” sa Katipunan Avenue. Narekober sa kanya ang isang Rolex Sky-Dweller na nagkakahalaga ng P1.1 milyon, submachine gun, mga bala, sasakyan, at mga cellphone.

Kasunod nito, naaresto rin si alias “Kio Lyandrei” sa Marikina kung saan nakuha ang isang Rolex Datejust na nagkakahalaga ng P850,000.

Sa follow-up operation, nadakip sina alias “Mark” at “Noel” sa Maginhawa Street, Quezon City. Narekober sa kanila ang isang kalibre .45 baril, getaway vehicle, bonnet mask, at iba pang ebidensya.

Samantala, nakatakas ang iba pang kasamahan ng grupo at nagpaputok ng baril habang tinutugis ng pulisya. Isang rider ang tinamaan at nasugatan ngunit agad ding nakarekober.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong robbery at paglabag sa Republic Act No. 10591, habang karagdagang kasong attempted homicide ang isasampa laban sa mga tumakas.

Patuloy ang manhunt laban sa apat pang suspek.