Robber

4 na suspek sa panghoholdap sa may ari ng motorshop huli sa Taguig

Edd Reyes Nov 17, 2026
13 Views

Robber1TIMBOG ang apat na holdaper, kabilang ang isang babae, na sangkot sa panghoholdap sa may-ari ng isang motorshop habang nakatakas ang isa pa na nakipagbarilan sa humahabol na pulis Lunes ng gabi sa Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang mga nadakip na sina alyas ‘Xian”, 23; alyas “Jose”, 35; alyas “Mac”, 39; at ang bebot na si alyas “Sharleen”, 28, habang pinaghahanap pa ang nakatakas na suspek na hinihinalang sugatan matapos tamaan ng bala nang makipag-barilan sa mga pulis.

Sa ulat na nakarating kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano, hinoldap ng mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo noong Sabado ng alas-9:44 ng gabi si alyas “Marie”, 51, habang nasa harapan ng kanyang motorcycle shop sa Begonia St. Brgy. Rizal, at tumakas makaraang tangayin ang suot na alahas na nagkakahalaga ng P500,000.00.

Dakong alas-8:00 ng Lunes ng gabi nang mamataan ng mga tauhan ng Intelligence Section ng Taguig police ang isa sa motorsiklong gamit ng mga suspek sa Polintan Compound, Brgy. Sta Ana at nang lapitan ang sakay nito, biglang nagtatakbo sa maliit na eskinita at pinaputukan ang mga humahabol na pulis.

Gumanti ng putok ang mga pulis at kahit sugatan, nakatakas pa rin ang suspek, nang magawang umakyat sa bubong ng abandonadong bahay at mula rito ay nagpalipat-lipat na hanggang makatakas.

Nakumpiska naman sa apat na nadakip ang isang kalibre .9mm Daewoo pistol na kargado ng 11 bala sa magazine, isang replica ng kalibre .45 pistola, hindi pa batid na gramo ng shabu at drug paraphernalia, at tatlong motorsiklo na gamit nila sa ginagawang panghoholdap.