Tricycle

Tricycle driver sinampal ng kapwa driver, nasawi

2 Views

NASAWI ang isang 64-anyos na tricycle driver matapos mawalan ng balanse at tumama ang ulo sa semento nang sampalin umano ng kapwa driver dahil sa nawawalang bag na may lamang pera sa Barangay Paltok, Quezon City.

Dead on arrival sa East Avenue Medical Center ang biktimang si alyas “Cecilito,” matapos ang insidente dakong alas-9:10 ng gabi noong Nobyembre 15.

Batay sa imbestigasyon, nagtalo ang biktima at suspek na si alyas “Junimar,” 34, kapwa tricycle driver, dahil sa bag na naglalaman umano ng pera na pinulot ng una.

Sa gitna ng pagtatalo, sinampal umano ng suspek ang biktima na naging dahilan upang mawalan ito ng balanse, bumagsak at tumama ang ulo sa sementadong kalsada.

Kinilala ng asawa at kapatid ng biktima ang suspek matapos mapanood ang CCTV footage ng insidente.

Humingi ng tulong sa pulisya ang pamilya ng biktima noong Nobyembre 16 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.