Calendar
Palakasin kooperasyon sa digital trade–Speaker Dy sa ASEAN members
NANANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga pamahalaan sa Southeast Asia na palakasin ang kooperasyon sa digital trade at magpatupad ng mga pananggalang sa paggamit ng artificial intelligence (AI) upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Bilang pangulo ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), binigyang-diin ni Dy sa mga pinuno ng mga bansa sa ASEAN at mga delegasyon ng kani-kanilang parliyamento na nananatiling matatag ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN Chair.
Mahalagang ipagpatuloy ang mga nakamit na pag-unlad, partikular ang matagumpay na pagtatapos ng negosasyon para sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement at ang patuloy na pagsusulong ng financial inclusion o mas malawak na akses ng mamamayan sa mga serbisyong pinansyal.
Hinimok din ni Speaker Dy ang mga bansang kasapi ng ASEAN na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng mga natitirang pangunahing prayoridad sa ekonomiya.
Kabilang dito ang pagpapatibay sa ASEAN Leaders’ Declaration on Strategic Trade Management, pagpapalawak ng ASEAN Semiconductor Roadmap upang mapatatag ang mga supply chain sa rehiyon, at pagsusulong ng ASEAN-Canada Free Trade Agreement.
Binigyang-pansin din ni Dy ang pagtatatag ng mga bagong sentro ng kahusayan para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at creative industries upang mas mapalawak ang benepisyo ng kooperasyong pang-ekonomiya sa mga areas na ito.
Binigyang-diin din ng House Speaker ang malaking pagbabagong dulot ng artificial intelligence sa rehiyon at ang pangangailangang magkaroon ng responsableng pamamahala rito.
Ayon kay Dy, mahalagang palakasin ng ASEAN ang mga patakaran sa paggamit ng AI alinsunod sa ASEAN Guide on AI Governance and Ethics.
Kabilang sa mga dapat bigyang-pansin ang proteksyon sa personal na datos, pagkakaroon ng human oversight o pangangasiwa ng tao, at pantay na pagkakataon para sa lahat na makinabang sa mga teknolohiyang dulot ng artificial intelligence.
