Calendar
Speaker Dy sa ASEAN leaders: Palakasin pagtutulungan
HINILING ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na palakasin pagtutulungan upang maisalin sa mga batas, badyet at programa ang mga pangakong magtataguyod ng inklusibong pag-unlad sa rehiyon.
Dapat maramdaman ng mga magsasaka, migrant workers at iba pang sektor ng lipunan ang mga benepisyo ng mga programang pangkaunlaran ng ASEAN, ayon sa Speaker.
Ginawa ng House Speaker ang panawagan sa 15th ASEAN–AIPA Leaders’ Interface sa Philippine International Convention Center sa Maynila na bahagi ng 49th ASEAN Summit.
Ayon kay Speaker Dy, nakaayon ang tema ng nalalapit na 47th AIPA General Assembly na “Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centered ASEAN” sa mga prayoridad ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ASEAN.
Binigyang-diin din niya na ang isang ASEAN na nakasentro sa kapakanan ng mamamayan ay dapat maghatid ng mga konkretong resulta.
Sa pamamagitan ng Women and Young Parliamentarians of AIPA, isinusulong ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan, pagpapalawak ng kamalayan at suporta sa mental health, pangangalaga sa karapatan at inklusiyon ng mga persons with disabilities at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa kababaihan at kabataan.
Dapat umabot sa mga magsasaka at komunidad sa kanayunan ang inklusibong pag-unlad.
Hinimok din ng Speaker ang responsableng pamumuhunan ng pribadong sektor at pagpapalawak ng akses ng mga maliliit na magsasaka sa pautang, makabagong teknolohiya at pamilihan.
Nanawagan din ang Speaker sa mga miyembro ng AIPA na higit pang pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga migrant worker at palawakin ang social protection programs bilang tugon sa tumatandang populasyon sa rehiyon.
Ayon kay Speaker Dy, kailangang magkaroon ng mas matibay na mga patakaran upang maprotektahan ang mga manggagawang nangingibang-bansa, gayundin ang pagtatatag ng mga programang panlipunang tumutugon sa pangangailangan ng mga nakatatanda.
Binigyang-pansin din nito ang potensiyal ng tinatawag na silver economy o mga oportunidad sa ekonomiya na nakatuon sa pangangailangan at kapakanan ng mga senior citizen.
Hinimok din ni Dy ang mga lider ng ASEAN na regular at maagang kumonsulta sa mga parliyamento upang maisaalang-alang ang mga hinaing at pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan sa pagbuo ng mga panrehiyong kasunduan.
Binigyang-diin ng House Speaker na hindi dapat matapos sa mga pagpupulong at pagpapatibay ng mga resolusyon ang kanilang mga tungkulin.
Sa halip, dapat maisalin ang mga napagkasunduang hakbang sa konkretong pagkilos sa bawat bansa sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas, paglalaan ng pondo at masusing pagbabantay sa pagpapatupad ng mga programa.
