Landbank

4 na trust funds accounts sa LBP isinara ng DILG

Jun I Legaspi Dec 28, 2024
66 Views

ISINARA na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang apat nitong trust fund accounts sa Landbank of the Philippines (LBP) na may kabuuang halagang mahigit P12.98 milyon batay sa mga rekomendasyon ng Commission on Audit (COA).

Nauna nang pinuna ng COA ang DILG dahil sa pagpapanatili ng apat na hindi awtorisadong bank accounts dahil sa kawalan ng batayang ligal.

Ayon sa ahensya, ginamit ang mga account bilang deposito ng pondo mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Nilikha ang mga account upang matiyak ang agarang pagpapalabas ng pondo para sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa at proyekto.

Iniulat ng DILG na nauna na nitong isinara ang P1.73-milyong RO IX Trust Regular Account at ang DILG-NCR Local Government Academy Special Project Account na may halagang P111,009.42.

Samantala, isinasagawa na ng DILG ang pagsasara ng P1.116-milyong DILG-NCR Special Project Account at ang P10.025-milyong DILG Central Office Trust Account.

Para sa huli, ibinalik na ng ahensya ang hindi nagamit na balanse na P2.363 milyon sa pinanggalingang ahensya; at nagamit na rin ang P5.834 milyon mula sa Department of Trade and Industry at Bureau of Fire Protection – Interagency Task Force.

Sa kasalukuyan, ang natitirang balanse na P199,627.90 mula sa BFP-IATF Fund ay gagamitin para sa mga hindi pa nababayarang obligasyon.

Matapos ito, ang anumang natitirang balanse ay ire-remit sa Bureau of Treasury (BTr) sa pagtatapos ng taon.

Nakikipag-ugnayan na ang DILG sa BTr upang magbukas ng Modified Disbursement System Trust Account sa ilalim ng LBP.

Ang account na ito ay gagamitin para sa mga pondo na ipinagkaloob o ipinagkatiwala sa ahensya at posibleng magsimula sa Enero 2025.