Medina

4 na tulak kulong sa P136K na shabu

264 Views

ARESTADO ang apat na suspek sa isinagawang buy-bust operation Martes ng madaling araw sa Quezon City dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.

Batay sa pahayag ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Remus B. Medina, nagsagawa ng operasyon ang Holy Spirit Police Station (PS 14) sa pamumuno ni PLt. Col. Jeffrey B Bilaro dakong alas-12:30 ng madaling araw, Marso 2, 2022 sa Bataan Road, Garcia Heights, Bgy. Holy Spirit, Quezon City na nagresulta sa pagkakahuli ng mga suspek na kinilalang sina Alinor Lala, alyas “Juls”, 35; Diana Maruhom, 25; Tayakupan Maruhom, 61; at Laiba Maruhom, 60, na pawang mga residente ng nasabing lugar.

Nasamsam mula sa mga suspek ang 9 na pakete ng shabu na may tinatayang humigit kumulang 20 gramo at nagkakahalagang P136,000, isang coin purse, cellular phone, at ang buy-bust money na ginamit sa transaksiyon.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Tuloy-tuloy ang ating pagmanman at paghuli sa lahat ng taong may mga iligal na gawain lalo na dito sa ating nasasakupan. Ang himpilan ng pulisya sa QCPD ay determinado sa pagsugpo ng iligal na droga sa Lungsod Quezon. Sisikapin nating magiging ligtas ang ating komunidad laban sa mga pinagbabawal na droga,” sabi ni PBGen. Medina.