Calendar
4 OFW nasawi sa sunog sa Taiwan
APAT na Pilipino ang nasawi sa isang sunog sa isang food factory sa Taiwan, ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) head Silvestre Bello III.
Kinilala ni Bello ang mga nasawi na sina Renato Larua ng Cavite; Nancy Revilla ng Marinduque, Aroma Miranda ng Tarlac, at Maricris Fernando mula sa La Union.
Noong una ay iniulat ni Bello na nasa intensive care unit (ICU) si Fernando subalit binawian na rin umano ito ng buhay sanhi ng carbon monoxide poisoning.
“My heart goes out to them in their hour of extreme sorrow,” sabi ni Bello.
Inaasikaso na rin umano nina Bello ang pagpapauwi sa bangkay ng mga nasawi. Nakadepende umano ang repatriation sa isasagawang pagsusuri sa mga bangkay.
Nasunog ang ikalawang palapag ng Lian-Hwa Foods Corporation sa Changhua county na nasa central part ng Taiwan umaga noong Martes.
Nasugatan sa sunog ang lima pang Pilipino na sina Sheila May Abas, Jessie Boy Samson, Rodel Uttao at Santiago Suba Jr.
“MECO-ATN and MWO is in close coordination with police authorities regarding the incident and investigation, and the swift repatriation of the remains of those died,” sabi ni Bello.
Kakausapin umano ng MECO ang mga employer ng mga nasawi upang makuha ng mga ito ang benepisyo at iba pang tulong.
Bukod sa tulong mula sa employer, sinabi ni Bello na ang mga nasawi ay makatatanggap din ng tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration gaya ng 200,000 death benefit, 20,000 burial benefit, at education at livelihood assistance at training para sa miyembro ng kanilang pamilya.