Pinoy Mga Pilipinong manggagawa (naka-blur ang mukha) na tinulungan ng Philippine Embassy sa Israel, na kasalukuyang nasa gitna ng mga nagkakasunod-sunod na missile attack laban sa Iran. Larawan mula sa PH Embassy

Pinoy nabuhay sa atake ng Iran sa Israel matapos magtago sa bomb shelter

649 Views

ISANG Pilipinong manggagawa ang nakaligtas sa isang missile attack mula sa Iran matapos magtago sa isang bomb shelter sa Marom Nave Park, Ramat Gan City, Israel nitong Sabado.

Ayon sa Philippine Embassy sa Israel, ang babaeng manggagawa ay kasalukuyang pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Tel Aviv habang tumatanggap ng tulong at suporta mula sa embahada.

Sa isang Facebook post ng embahada madaling-araw ng Linggo, sinabi nilang patuloy silang magbibigay ng tulong at psychosocial support sa mga apektadong Pilipino.

Kabilang sa response team na ipinadala ng embahada sina Vice Consul Teri Bautista, Labor Attaché Rodolfo Gabasan, OWWA Welfare Officer Karen Padduyao, at iba pang kawani ng embahada.

Pinaalalahanan ng embahada ang mga Pilipino sa Israel na agad tumungo sa mga bomb shelter o protected spaces sa tuwing may missile alert.

Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, isang Crisis Management Team ang binuo upang mamahagi ng relief goods, muling paganahin ang mga itinakdang kanlungan, at ihanda ang repatriation kung kakailanganin.

8 patay, mahigit 200 sugatan sa patuloy na pag-atake

Iniulat ng Anadolu news agency na tumama ang mga missile ng Iran sa iba’t ibang lokasyon sa gitna at hilagang bahagi ng Israel, na ikinasawi ng walong katao at ikinasugat ng 208, ayon sa mga ulat ng midya ng Israel nitong Linggo.

Ayon sa Israeli Channel 12, humigit-kumulang 50 rockets ang pinakawalan sa central Israel. Tumama ang ilan sa Bat Yam at Rehovot malapit sa Tel Aviv, kung saan apat ang nasawi.

May 35 katao rin ang napaulat na nawawala matapos matamaan ng missile ang isang gusali sa Bat Yam. Limang sugatan ang nasa kritikal na kondisyon.

Ayon sa pahayagang Maariv, anim na lugar ang direktang tinamaan ng Iranian missiles, kabilang na ang Weizmann Institute of Science sa Rehovot, isang kilalang research university.

Pag-atake sa Hilagang Israel

Apat ang nasawi at 13 ang nasugatan sa mga pag-atake sa hilagang bahagi ng Israel, partikular sa mga lugar malapit sa Haifa, Tamra, at Krayot, ayon sa ulat ng Channel 12. Matinding pinsala ang naitala sa mga gusali at kalsada.

Ayon sa militar ng Israel, dalawang drone rin ang kanilang na-intercept sa hilagang bahagi ng lungsod ng Eilat.

Nauna rito, sinabi ng Israel Defense Forces na aktibo silang umaharang sa mga missile mula sa Iran at kasalukuyang nagsasagawa ng mga opensibang pag-atake sa Tehran.

Noong madaling-araw ng Biyernes, sinalakay ng Israel ang Iran sa pamamagitan ng pag-target sa mga pasilidad nukleyar at missile, kung saan napatay ang ilang mataas na opisyal at siyentipiko ng militar. Bilang ganti, naglunsad ang Iran ng ballistic missile strikes sa iba’t ibang bahagi ng Israel. PNA/Anadolu