Calendar
Pakikinig sa hinaing ng OFWs mahalaga — Magsino
BINIGYANG-DIIN ni dating OFW Party-list congresswoman Marissa Magsino ang kahalagahan ng pakikinig sa mga hinaing ng mga overseas Filipino worker (OFW) at pagbibigay ng konkretong programa upang mapangalagaan ang kanilang mga karapatan, kabuhayan at kinabukasan.
Ito’y kasunod ng pakikipagpulong ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa Filipino community sa Bahrain.
Kabilang sa mga isyung tinalakay sa pakikipagpulong sa Bahrain noong Oktubre 25, 2026, ang mga suliranin sa trabaho, pensyon, edukasyon, kalusugan at kabuhayan, gayundin ang pangangailangan ng mga OFW at kanilang pamilya sa Pilipinas.
“Ang bawat hinaing ng ating mga OFW ay mahalagang pakinggan at bigyan ng kaukulang aksiyon,” ayon kay Magsino.
Ibinahagi ni Cacdac sa mga Pilipino sa Bahrain ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagtugon sa krisis sa Middle East, kabilang ang pagbibigay ng financial assistance sa 4,300 OFW, pamamahagi ng 6,000 food packs at pagpapauwi sa 1,000 manggagawang Pilipino.
Sinabi ni Magsino na mahalagang mapanatili at higit pang mapalakas ang mga mekanismong ito upang matiyak na may malalapitan ang mga OFW na nakararanas ng pang-aabuso, problema sa trabaho, karamdaman o iba pang emergency sa ibang bansa.
Dapat ding patuloy na labanan ang illegal recruitment at human trafficking, gayundin ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino, dagdag ng pulitiko.
“Ang proteksiyon sa ating mga OFW ay hindi dapat natatapos sa kanilang pag-alis ng Pilipinas,” dagdag ng dating kongresista.
Kabilang sa mga mungkahing inilahad ng Filipino community sa Bahrain ang panukala para sa pensyon ng mga OFW, scholarship para sa kanilang mga anak, at pagbibigay ng benepisyo sa mga dating OFW na nagtatag ng maliliit na negosyo sa Pilipinas.
Binigyang-pansin din ang mungkahing isama ang Professional Regulation Commission (PRC) sa mga susunod na Serbisyo Caravan upang matulungan ang mga Pilipinong nurse na nakapasa sa licensure examination.
Tinalakay rin sa Bahrain ang mga oportunidad para sa mga OFW na nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), sa pakikipagtulungan ng Commission on Higher Education (CHED) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kabilang din sa mga programang ibinahagi ang pagsasanay sa pagnenegosyo at tulong sa puhunan sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA).
Sa pananaw ni Magsino, mahalagang magkaroon ang mga OFW ng sapat na kaalaman, kasanayan at oportunidad upang maipagpatuloy ang kanilang propesyon o makapagtayo ng sariling negosyo sa Pilipinas.
Ayon kay Magsino, mahalagang magkaroon ng koordinasyon ang mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak na ang mga hinaing na ipinararating sa mga opisyal ay matutugunan sa pamamagitan ng angkop na mga programa at serbisyo.
Bilang kinatawan ng OFW Party-list, mahalagang patuloy na isulong ang mga programang tutugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, mula sa proteksiyon at agarang tulong hanggang sa edukasyon, pensyon at pangmatagalang kabuhayan.
Ang tunay na sukatan ng malasakit sa mga OFW ay hindi lamang ang dami ng programang ipinapangako, kundi ang konkretong tulong na kanilang natatanggap at ang mas ligtas at maayos na kinabukasan na naitayo para sa kanilang mga pamilya.

