OFW

Pamahalaan iuuwi unang batch ng OFWs mula Saudi

Jun I Legaspi Oct 16, 2026
48 Views

OFW1OFW2ALINSUNOD sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nakatakdang iuwi ng pamahalaan ang unang grupo ng 200 overseas Filipino workers (OFWs) sa mga susunod na linggo kasunod ng mga pag-atake sa Saudi Arabia.

Sa ilalim ng Saving Lives pillar ng UPLIFT Program, nagtulungan ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at mga Migrant Workers Office (MWO) sa Saudi Arabia, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas, upang masiguro ang mga tiket pauwi para sa mga OFW na humiling ng tulong para makabalik sa bansa.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, patuloy na magbibigay ng tulong ang pamahalaan sa mga OFW na nais nang umuwi sa pamamagitan ng repatriation services para sa mga naapektuhan ng kanselasyon ng mga biyaheng Riyadh-Manila. Ang pondong gagamitin para rito ay mula sa AKSYON Fund at Emergency Repatriation Fund.

Ipinaliwanag ni Secretary Cacdac na nananatiling sarado ang Riyadh King Khalid International Airport mula nang maganap ang mga pag-atake noong Oktubre 10, 2026. Dahil dito, dumarami ang bilang ng mga OFW na nais nang makabalik sa Pilipinas ngunit hindi makaalis bunsod ng mga kanseladong biyahe. Bilang tugon, naglalaan ang pamahalaan ng libreng repatriation flights para sa mga stranded na pasaherong OFW.

Samantala, iniulat ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na umabot na sa 149 OFWs ang naproseso at handa nang ma-repatriate. Mayroon ding karagdagang 50 OFWs mula sa Riyadh, kabilang ang mga nasa shelter at stranded workers, na nakatakdang makauwi sa susunod na linggo sa pamamagitan ng mga repatriation efforts ng MWOs sa Riyadh, Jeddah, at Al Khobar, katuwang si Ambassador Raymond Balatbat ng Embahada ng Pilipinas sa Kingdom of Saudi Arabia.

“Sa likod ng bawat OFW na naghihintay makauwi ay isang pamilyang naghihintay rin ng kanilang ligtas na pagbabalik. Naiintindihan po namin ang inyong pangamba, lalo na sa mga naantala ang biyahe at hindi pa makabalik sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Patuloy po kaming nakikipag-ugnayan sa ating mga tanggapan sa Saudi Arabia upang matiyak na may matutuluyan, makakain, at makatatanggap ng kinakailangang tulong ang ating mga kababayan habang inaayos ang kanilang pag-uwi,” ani Administrator Caunan.

Dagdag pa niya, “Hindi po kayo nag-iisa. Kasama ninyo ang DMW at OWWA mula sa inyong paghihintay sa Saudi Arabia hanggang sa inyong ligtas na pagdating sa Pilipinas.”

Patuloy ring mino-monitor at tinutulungan ng DMW at OWWA, sa pamamagitan ng mga MWOs, ang mga OFW na naapektuhan ng kamakailang missile at drone attacks sa Saudi Arabia. Tinatayang 258 OFWs, kabilang ang mga na-stranded at nasugatan, ang nabigyan ng pagkain, pansamantalang matutuluyan, transportasyon, tulong pinansyal, at agarang serbisyong medikal.

Muling iginiit ng pamahalaan na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Pinapayuhan ang mga OFW at kanilang pamilya na nangangailangan ng tulong na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Migrant Workers Office o tumawag sa DMW-OWWA Hotline 1348, o magpadala ng email sa owwacares@owwa.gov.ph.

Para sa iba pang katanungan at agarang pangangailangan ng tulong, maaari ring makipag-ugnayan sa DMW 24/7 Assistance Center at Kumusta Kabayan Hotlines sa mga sumusunod:

Landline:

(02) 8722-11-44
(02) 8722-11-55

WhatsApp/Viber:

+639205171059
+639271478186
+639083268344