Magsino1

DMW pinuri ng dating mammbabatas sa paglalaan ng pondo sa OFWs

Mar Rodriguez Oct 28, 2026
36 Views

PINURI ni dating OFW Partylist congresswoman Marissa Magsino ang pagtitiyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na may sapat na pondo ang ahensya para sa repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng kanselasyon ng mga flights sa Saudi Arabia.

Mahalagang matiyak na may sapat na pondong magagamit ang pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga OFW na nahaharap sa mga hindi inaasahang sitwasyon, ayon sa dating kongresista.

Ang kapakanan ng mga OFW ay dapat pangunahing prayoridad ng pamahalaan, lalo na sa panahon ng krisis.

Nagpasalamat din ang dating mambabatas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa DMW sa paglalaan ng P3 bilyong karagdagang upang suportahan ang mga operasyon para sa repatriation at iba pang serbisyong nakalaan sa mga OFW.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, ginagamit ang supplemental budget upang pondohan ang mga kinakailangang operasyon, kabilang ang pagbabayad sa pamasahe ng mga apektadong OFW at pagbibigay ng financial at accommodation assistance sa mga nangangailangan.

Kabilang sa mga natulungan ang mga OFW na naapektuhan ng kanselasyon ng flight sa rutang Riyadh–Manila, mga pasaherong patungong Riyadh na nailipat ang destinasyon sa Jeddah, at mga manggagawang na-stranded sa Maynila matapos makansela ang kanilang biyahe.

Binigyang-diin niya na ang mga OFW ay mahalagang bahagi ng ekonomiya ng bansa at malaking katuwang ng kanilang mga pamilyang umaasa sa kanilang kinikita mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

“Ang ating mga OFW ay hindi lamang mga manggagawang naghahanapbuhay sa ibang bansa. Sila ay mga magulang, anak, kapatid at haligi ng kanilang mga pamilya. Kaya nararapat lamang na maramdaman nila na may pamahalaang handang umalalay sa kanila, lalo na kapag sila ay nahaharap sa mga hindi inaasahang pagsubok,” ayon sa kongresista.

Mahalagang matiyak na ang pondong inilaan para sa repatriation at iba pang tulong ay nagagamit nang maayos, mabilis at naaayon sa pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong-dagat.

Bilang kinatawan ng OFW Party-list, isinusulong ni Magsino ang pagsusulong ng mga programang magbibigay ng proteksiyon, tulong at mas maayos na serbisyo sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa at sa kanilang mga pamilya.