OFW

DMW nagbigay ng tulong sa 45 OFW, dependents na umuwi ng PH mula Saudi

Jun I Legaspi Oct 21, 2026
64 Views

OFW1OFW2OFW3LIGTAS na nakauwi sa Pilipinas ang 45 overseas Filipino workers (OFWs) at lima nilang dependents mula Riyadh, Saudi Arabia, noong Oktubre 20, 2026, sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Dumating sila sakay ng Qatar Airways flight QR928 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, kung saan sinalubong sila ng mga kawani ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at MIAA Medical Team upang mabigyan ng kinakailangang tulong.

Nagbigay ang mga ahensya ng airport assistance, medical assistance, at tulong pinansyal sa mga umuwing OFW at kanilang dependents. Inaasahan din silang makatanggap ng transportation assistance (domestic land and air), upang makauwi sa kani-kanilang probinsya.

Ipinaalam din ni DMW Assistant Secretary Venecio V. Legaspi na may mga programa ang pamahalaan para sa mga OFW na magpapasyang manatili na sa Pilipinas, kabilang ang tulong sa paghahanap ng trabaho at iba pang serbisyo.

“Ang Department of Migrant Workers katulong po ang OWWA at ng atin pong iba’t ibang ahensya ng pamahalaan through the NRN (National Reintegration Network) ay may mga programa para sa mga umuuwi at mga mag for good na dito sa Pilipinas. Wag po kayong mag-alala, meron po kayong makukuha po kayo ng trabaho dito, meron po kayong tulong na makukuha sa ating pamahalaan,” pahayag ni Assistant Secretary Legaspi.

Bilang bahagi ng “Saving Lives” component ng UPLIFT initiative ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nakatuon ang pagtugon ng DMW at OWWA sa agarang pangangailangan ng mga OFW at kanilang pamilya na apektado ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.