Calendar
PFDA, Madrona tinakalay pagtatayo ng fishport sa Romblon
TINALAKAY ng mga kinatawan ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) at ng tanggapan ni Denon Madrona ang panukalang pagtatayo ng fish port sa Sitio Baring, Brgy, Silum, Magdiwang, Romblon.
Layunin ng panukala na magkaroon ng pasilidad na makatutulong sa mga mangingisda na tutulong para maayos ang paghawak, pagdadala at pagbebenta ng mga produktong pangisdaan.
Dumalo sa pulong sina Atty. Edward Campos, assistant general manager; Romirose Padin, executive assistant ng general manager; Engr. Erwin Delos Santos, executive assistant ng assistant general manager; Atty. Jose Ruiz, pinuno ng Technical Services Division; at Engr. Darby Macabata.
Kinatawan nina Johnny Santos at Arnold Rovira si Madrona sa talakayan.
Ang panukalang pagtatayo ng fish port ay batay sa resolusyong inihain ng Barangay Silum na naglalayong maisakatuparan ang pagkakaroon ng pasilidad na susuporta sa mga gawaing pangisdaan sa lugar.
Tinalakay ang pangangailangang magsagawa ng masusing pagsusuri at ebalwasyon sa napiling lugar.
Mahalaga ang pagsusuri upang matiyak na ang planong fish port ay magiging kapaki-pakinabang at tutugon sa aktuwal na pangangailangan ng mga mangingisda at ng komunidad ng Magdiwang.
Inaasahang makatutulong ang pagkakaroon ng maayos na pasilidad sa pagpapahusay ng paghawak at distribusyon ng mga produktong pangisdaan, gayundin sa pagpapalawak ng oportunidad ng mga lokal na mangingisda na ipagbili ang kanilang mga huli sa mas maayos na paraan.
Ang PFDA ay nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA). Kabilang sa mandato nito ang pagpapaunlad ng industriya ng pangisdaan sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapahusay ng mga pasilidad at imprastrakturang susuporta sa pagproseso, pag-iimbak, paghawak at pamamahagi ng mga produktong pangisdaan.

