Calendar
Rito ng Solemneng Pagbabasbas isinagawa sa Our Lady of the Miraculous Medal Mission Area
NAUJAN, Oriental Mindoro — Binasbasan noong Biyernes ang Our Lady of the Miraculous Medal Mission Area sa Brgy. Malaya, Naujan sa pangunguna ni Most Rev. Moises M. Cuevas, D.D.
Isinagawa ang Rito ng Solemneng Pagbabasbas ng simbahan sa pamamagitan ng isang misa.
Bahagi nito ang pagbabasbas ng banal na tubig sa iba’t-ibang bahagi ng simbahan at ang pag-iinsenso ng dambana bilang tanda ng pagtatalaga nito sa Diyos.
Nagsisilbi itong mahalagang yugto sa buhay ng pamayanang Katoliko sa Brgy. Malaya at mga karatig na lugar sapagkat inilalapit nito sa mga mananampalataya ang mga gawaing espirituwal at ang sama-samang pagpapalalim ng pananampalataya.
Ibinahagi ni Gob. Humerlito “Bonz” Dolor ang naging kwento sa likod ng pagpapatayo ng simbahan at kinilala ang mga taong nakibahagi sa pagpapatayo nito.
Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Hiyas Govinda Ramos, asawa ng gobernador, kasama ang kanilang pamilya, mga hepe at kawani ng iba’t-ibang tanggapan ng Mindoro Oriental, FPJ Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe Llamanzares, Sangguniang Panlalawigan Board Member Ryan Arago at BM Jonnel Recto.
Andon din ang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal at local government units at mga residente mula sa iba’t-ibang sektor at barangay sa Naujan at iba pang mga bayan ng lalawigan.

