Jesus

Panalangin para sa mga miyembro ng Media

MAHAL na Panginoon, nagpapasalamat po kami sa panibagong araw, dalangin po namin ang maayos na kalusugan at kaligtasan para sa mga lahat ng mamamahayag na walang kapagarurang naghahatid ng balita sa pang-araw araw at walang takot na nagsisiwalat ng katotohanan. Nawa’y ingatan mo po sila Panginoon kasama ang kanilang pamilya.

Isinasamo din namin ang paggabay po ninyo sa mga taong naliligaw ng landas, ang mga taong nabubuyo sa kasamaan. Nawa’y pagliwanagin niyo po ang kanilang isipan. Nawa’y bigyan po ninyo sila ng tamang wisyo para maliwanagan sila na ang kasalanan ang magbubulid sa kanila sa matindi at mabigat na kapahamakan ng kanilang kaluluwa.

Mahal naming Diyos, sa kabila ng kahirapan, sa kabila ng mga mabibigat na pagsubok at sa gitna ng mga problemang nararanasan namin sa aming buhay. Turuan mo po kaming maging matatag at patuloy na nananampalataya sayo, sapagkat batid namin na hindi mo kami pababayaan dahil ikaw ay isang mabuting Pastol at mabuting ama na tunay na nagmamahal sa kaniyang mga anak.

Ang lahat ng ito ay itinataas namin sayo mahal na Panginoon sa pamamagitan ng intercession ng Mahal na Birheng Maria at lahat ng mga Santo.

Mahal na Birhen ng La Naval, ipanalangin mo kami,

Santo Domingo de Guzman, ipanalangin mo kami,

Santa Catalina de Sienna, ipanalangin mo kami,

Santo Thomas de Aquino, ipanalangin mo kami at sa lahat ng Dominikanong Santo, ipanalangin mo kami.

AMEN

Ni Bro. Marianito Rodriguez, O.P.
Lay Dominican