Calendar
Mga senador tinutukan kalagayan ng 30 Pinoy na nanawagan mula Russia
INUSISA ng mga senador ang Department of Migrant Workers (DMW) nitong Biyernes kaugnay ng humigit-kumulang 30 Pilipino sa Russia na humihingi ng saklolo, habang bineberipika ng ahensiya ang ulat na may nasawi umano sa grupo.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 badyet ng DMW, binanggit ni Senador Risa Hontiveros ang kumakalat na video ng grupo. Ayon sa mga ulat, sinabi niyang paggawa ng bunker ang ipinagawa sa mga Pilipino sa halip na ang ipinangakong trabaho.
Tugon umano ni Senador Joel Villanueva, sponsor ng badyet ng DMW, nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa mga embahadang may kinalaman at sa mga ahensiyang pangseguridad.
Sa araw ding iyon, nakipagpulong si Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, kina DMW Secretary Hans Leo Cacdac at Undersecretary for Licensing and Anti-Trafficking-in-Persons Darlene Pajarito para alamin ang hakbang ng ahensiya.
Sa pulong, sinabi ni Pajarito na may natanggap silang ulat na may nasawi na sa grupo. Hindi pa ito kumpirmado at patuloy pa nilang inaalam.
Sa video, isinalaysay ng mga Pilipino na paglilinis at konstruksiyon ang trabahong inialok sa kanila. Pagdating doon, isang buwan na raw silang sinasanay bilang mga sundalong isasabak sa giyera.
Nakiusap sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay Tulfo na maiuwi sila nang ligtas.
Ayon kay Cacdac, katuwang ng DMW ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) sa pagtukoy sa eksaktong lokasyon at kalagayan ng grupo para sila ay masagip.
Sinusuri rin ng mga ahensiya kung may kinalaman ang mga mersenaryo sa pag-recruit sa kanila.
Hindi pa nakakausap ng DMW at DFA ang mga Pilipino. Tinutunton naman ng tanggapan ni Tulfo kung sino ang unang nag-post ng video para maabot ang grupo.
Katulong na rin ng DMW ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pangangalap ng ebidensiya para sa posibleng kaso laban sa mga ahensiyang nasa likod ng ganitong recruitment, ayon kay Cacdac. Kasama ang Bureau of Immigration (BI), nagbabala na rin ang DMW sa publiko tungkol sa mga alok na trabaho papuntang Russia.
Handa raw ang tanggapan ni Tulfo na sumuporta sa mga ahensiya para sa kaligtasan at posibleng pagpapauwi sa grupo.
Payo ng senador, beripikahin muna ang anumang alok na trabaho sa Russia o Ukraine bago ito tanggapin. Dapat din daw higpitan ng BI ang pagsusuri sa mga paalis ng bansa para matiyak na totoo ang sinasabi nilang pakay sa biyahe.
DMW: 𝗠𝗮𝗴-𝗶𝗻𝗴𝗮𝘁 𝘀𝗮 m𝗶𝗹𝗶𝘁𝗮𝗿𝘆 c𝗼𝗻𝘀𝗰𝗿𝗶𝗽𝘁𝗶𝗼𝗻 s𝗰𝗮𝗺
Sa isang pahayag, nagbigay ng babala ang DMW sa nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa.
Ang buong pahayag:
“Mag-ingat sa mapanlinlang na recruitment na nag aalok ng trabaho pero giyera pala ang destinasyon.”
Ang alok na border, event or mall security, logistics, warehouse, driver, o support work na may kaakibat na di pang karaniwang signing bonus at military training ay ILLEGAL RECRUITMENT AT HUMAN TRAFFICKING.
I-check sa DMW ang lisensiya ng ahensiya at ang partikular na job order. Tiyaking tugma ang employer, lokasyon, tungkulin, at kontrata. Huwag umasa lamang sa social media, link o dokumentong ibinigay ng recruiter.
Ang trabahong inaasahan mong magbibigay ng magandang kinabukasan ay hindi dapat maging dahilan para malagay sa panganib ang iyong buhay.”
