Calendar
Bayad sa doktor isasama na sa hospital bill
PLANO ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na isama sa hospital bill ang bayad sa doktor upang matugunan ang problema ng mga pasyenteng hindi makauwi dahil sa hindi pa nababayarang professional fees.
Inihayag ito ni Senate Finance Committee Chairman Joseph Victor “JV” Ejercito nitong Biyernes sa pagtalakay sa panukalang badyet ng DOH para sa 2027.
Ayon kay Ejercito, magtatakda rin ang dalawang ahensiya ng pamantayan sa singil ng mga doktor at pagsasabayin ang pagbabayad ng PhilHealth at ng Medical Assistance Program (MAP) ng DOH, na target maproseso sa loob ng 10 hanggang 15 araw.
Ang MAP, dating Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), ay pondo ng DOH na tumutulong sa gastusin sa ospital ng mahihirap at kapos na pasyente.
Tugon ito ni Ejercito sa inilahad ni Senador Erwin Tulfo na mga reklamong nakararating sa kanyang tanggapan tungkol sa mga pasyenteng hindi makalabas ng ospital kahit nakakuha na ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno.
Ayon kay Tulfo, may mga doktor na humihingi ng cash sa halip na hintayin ang bayad mula sa PhilHealth, DOH at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Habang naghahanap ng pambayad sa doktor ang pasyente, nadaragdagan pa raw ang gastusin nito sa pananatili sa ospital.
“Kahit na ang kulang yan, sabihin natin P25,000, stay na naman siya isang araw na naman, yung papasok na naman yung sa hospital bill,” ani Tulfo.
Inihalintulad ng senador sa pagbabayad ng matrikula ang nais niyang sistema ng paniningil sa mga ospital.
“Pagbayad ka ng tuition, andun na po yung bayad ng teacher,” aniya.
Kinilala ni Ejercito ang problema sa pagtaas ng professional fees. Ayon sa senador, kabilang sa mga idinadahilan ng mga doktor ang matagal na pagproseso ng bayad mula sa gobyerno.
Sinabi rin ni Ejercito na ang mga ospital na may mga doktor na papayag sa itatakdang singil ang isasali sa MAP.
Nauna nang tinutulan umano ng Philippine College of Physicians ang pagsisi sa mga doktor sa mahal na pagpapagamot. Ang itinuturo umano nilang dahilan ay ang kulang na sakop ng PhilHealth at ang mabagal nitong pagbabayad.
Walang tinukoy na petsa kung kailan ipatutupad ang mga pagbabago.
Noong Marso 17, naghain umano si Tulfo ng Senate Bill No. 1987 na naglalayong obligahin ang mga ospital na isa-isahin sa kanilang billing statement ang mga sinisingil sa pasyente, kabilang ang bayad sa doktor.
Tinutulan din ni Tulfo ang tuluyang pag-aalis ng MAP habang hindi pa ganap na natutugunan ng Universal Health Care ang pangangailangan ng mga pasyente.
Mahigit 500 pribadong ospital ang kalahok sa programa, ayon kay Tulfo.
Nagpahayag siya ng pangamba na mahihirapan ang mga pasyente sa malalayong lalawigan kung sa mga tanggapan lamang ng Senado at Kamara sila makakahingi ng tulong medikal.
Sa bersyon ng Senado ng panukalang badyet para sa 2027, ibinaba sa ₱16.2 bilyon ang alokasyon para sa MAP mula sa ₱24.2 bilyon sa National Expenditure Program (NEP), ang panukalang badyet ng ehekutibo.
Ayon kay Ejercito, naglaan din ang komite ng ₱10.8 bilyon para sa zero-balance billing sa mga ospital ng DOH at ₱1 bilyon para sa mga ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.
Layunin ng zero-balance billing na wala nang bayaran sa ospital ang mga kwalipikadong pasyente.
Dinagdagan din ng komite ng ₱19.8 bilyon ang panukalang subsidiya sa PhilHealth, na aabot sa humigit-kumulang ₱94 bilyon.
Samantala, nais malaman ni Tulfo kung kailan kayang sagutin ng PhilHealth ang kalahati ng gastusin ng isang pasyente sa ospital.
Ayon kay Ejercito, nasa humigit-kumulang ₱532 bilyon ang kabuuang pondo ng gobyerno para sa kalusugan sa 2027. Tinatayang ₱800 bilyon naman ang kakailanganin upang mapababa mula 42 porsiyento tungong 35 porsiyento ang bahaging direktang binabayaran ng mga Pilipino sa kanilang gastusing medikal.

