Calendar
Sotto pinagpaliwanag DOH sa pekeng bakuna vs rabies na nabili umano ng 2 ospital nito
HININGAN ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ng paliwanag ang Department of Health (DOH) kaugnay ng pekeng bakuna kontra rabies na, ayon sa Commission on Audit (COA), binili umano ng dalawa sa mga ospital nito.
Ang tinukoy ni Sotto nitong Biyernes ay ang medical center sa Zamboanga City at ang regional hospital sa Zamboanga del Sur.
Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang 2027 badyet ng DOH, inalam ng senador kung magkano ang nagastos sa naturang bakuna at kung ilang pasyente ang naturukan nito.
Tanong pa niya, naabisuhan ba ang mga naturukan nang mabatid na hindi pala tunay ang bakuna?
Tugon ni Senate Finance Committee Chairman Joseph Victor “JV” Ejercito, sponsor ng badyet ng DOH, ipinabawi na ang bakuna batay sa ulat ng program manager, at binigyan na raw ng tamang bakuna ang mga pasyente. Walang binanggit na bilang.
Sisiyasatin pa raw ito ng DOH, at ipasusuri sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga kuwestiyonableng bakuna.
Sa simula, iniugnay ni Ejercito ang kaso sa programa ng lokal na pamahalaan. Pero iginiit ni Sotto na batay sa COA, ang mga ospital mismo ng DOH ang bumili.
“Try to keep the record straight there because gusto rin nating malaman ang pakikialam ng LGU doon,” aniya.
Hindi pa nasasagot ang halaga ng mga bakuna at kung ilan ang naturukan.

