Mga kababayan sa France, Saudi Arabia at Israel pinag-iingat ni Sen. Erwin Tulfo

25 Views

PINAG-IINGAT nitong Linggo ni Senador Erwin Tulfo ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa France, Saudi Arabia at Israel dahil sa mga riot sa France, pag-atake ng missile na sumugat sa pitong OFW sa Riyadh, at umano’y karahasan ng mga Israeli settler sa West Bank.

Hinimok ni Tulfo, vice chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang mga OFW sa Saudi Arabia na “maging mapagmanman at makinig sa mga balita bago pumasok sa trabaho.”

Hindi bababa sa 12 umano ang nasawi at mahigit 300 ang sugatan nang tamaan ng missile ang King Khalid International Airport sa Riyadh noong Oktubre 10. Inako umano ng Houthi rebels ng Yemen ang pag-atake. Isa sa pitong sugatang OFW ang nasa intensive care unit pa umano.

Sa France naman, ito ang paalala ng senador: “Doble ingat po sa ating mga kababayan dyan sa France lalo na pagpasok sa kanilang trabaho dahil sa malawakang riots at looting.”

Humigit-kumulang 550,000 katao umano ang sumali nitong Sabado sa mga kilos-protesta laban sa taas-presyo sa France. Nauwi umano ito sa looting at sagupaan sa pulisya sa Paris at iba pang lungsod. Mahigit 1,000 katao rin umano ang dinakip.

Pinayuhan din ni Tulfo ang mga OFW sa Israel na hangga’t maaari ay iwasang pumunta sa West Bank dahil sa umano’y pag-atake ng mga nakamaskarang Israeli settler sa ilang dayuhan.

Isang Amerikanong photojournalist umano ang kabilang sa mga nasugatan sa umano’y pag-atake ng mga settler sa anihan ng olive sa isang nayon sa West Bank noong Oktubre 16. Iginiit naman umano ng isang settler council na ang mga settler ang inatake.

Samantala, inihahanda na umano ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapauwi sa mga OFW na nasugatan sa Riyadh.